• Tony Miñano Macalisang

LSI naitala na unang kaso ng COVID-19 sa bayan ng Calatrava, Romblon


CALATRAVA, Romblon – Naitala ngayong araw ang unang kaso ng COVID-19 sa bayan ng Calatrava, Romblon ayon sa anunsyo ng Municipal Task Force Against COVID-19 (MTFAC-19).


Ang nagpositibo sa COVID-19 ay isa sa dalawang Locally Stranded Individual (LSIs) na sumailalim sa confirmatory swab test (RT-PCR) na isinagawa noong Setyembre 2, 2020.


Ayon sa MTFAC-19 dumating noong Setyembre 1, 2020 ang nasabing LSI sakay ng Starhose Shipping Lines na dumaong sa pantalan ng Calatarava at ito ay kabilang sa lahat na dumating na LSI sa isinailalim sa rapid test at idiniretso sa Quarantine Facility sa Barangay Balogo Evacuation Center.


Ang nasabing LSI ay nagkaroon ng sintomas ng COVID-19 sa kanyang unang gabi sa quarantine facility kung saan sila minomonitor ng kinaukulan.


Ayon kay Dr. Renato R. Menrigue, Jr., Hepe ng Rural Health Unit (RHU) – Calatrava, sa kasalukuyan ay nagsasagawa na umano ng contact tracing ang team ng MTFAC-19 sa lahat na mga nakasalamuha ng nagpositibong LSI para matukoy at magawa ang mga kinakailangan gawin kaugnay sa nasabing kaso.


“Sa mga oras na ito ay magsasagawa na po ng contact tracing ang ating team sa lahat ng nakasalamuha ng nasabing LSI para matukoy at magawa agad ang mga karapat-dapat na hakbang, at ipinarating na rin ang balitang ito sa mga opisyales ng barangay at sa BHER team tungkol sa ating kababayang SLI,” ayon ng Dr. Menigue.


Ipinapaabot rin ng MTFAC-19 sa lahat ng Calatravanhons na maging mahinahon at sundin ang mga alintuntunin na itinakda para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa bayan ng Calatrava.


Anila pa, samahan sila na ipagdasal ang mabilis na paggaling ng mga nagkasakit ng COVID-19 at magkaisang ipanalangin ang kaligtasan ng lahat lalo na ang mga frontliners sa panibagong hamon na kinakaharap. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.