• Tony Miñano Macalisang

LSI, unang kaso ng COVID-19 sa Looc, Romblon


LOOC, Romblon – Isang Locally Stranded Individual (LSI) ang naitala na unang kaso ng nagpositibo sa COVID-19 sa bayan ng Looc, Romblon kahapon.


Sa ipinaabot na impormasyon ni Looc Mayor Lisette M. Arboleda na naka post bilang COVID-19 Update sa Public Information Office (PIO) Looc, Romblon, isang LSI umano na dumating noong Nobyembre 29 at kinunan ng Swab test para sa RT PCR nitong nakalipas na Disyembre 3 ay nagpositibo sa COVID-19 matapos na dumating ang resulta kahapon, Disyembre 5, 2020. Ang nasabing pasyente ay asymptomatic.


“Ikinalulungkot po nating ipinapaalam sa lahat na meron po tayong LSI na dumating noong Linggo, Nov. 29, 2020 ang nagpostibo sa COVID-19,” pahayag ni Mayor Lisette Arboleda.


Ang nasabing LSI ay kasalukuyang nasa isolation facility matapos mailipat mula sa municipal quarantine facility kung saan idinidiretso ang mga bagong dating na LSI.


Isinagawa na rin ang Rapid Antigen Test sa lahat na mga nakasalamuha ng naturang pasyente at isasailalim rin sila sa swab test bukas, Nobyembre 7, 2020 para sa RT PCR.


“Inilipat na po sa isolation facility ang pasyente, at ang lahat na close contact ay sumasailalim sa Rapid Antigen Test ngayon at kukunan ulit ng swab test sa Lunes, para sa RT PCR,” ayon pa kay Mayor Arboleda.


Panawagan ni Mayor Arboleda sa kanyang mga kababayan na mag-ingat, sumunod sa ipinapatupad na Minimum Health Standard ng DOH at manalangin sa Poong Maykapal.


“Mariin po tayong sumunod sa health protocols, mag-ingat at Magdasal,” pahayag pa ni Mayor Arboleda. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.