• Tony Miñano Macalisang

Mag-asawa sa Looc, Romblon tinaga ng kamag-anak


LOOC, Romblon – Dinayo at pinagtataga sa loob ng kanilang bakuran ang mag-asawa ng isang lalaking kamag-anak dakong 7:00 ng umaga ng nitong nakalipas na araw sa Sitio Sto. Niṅo, Barangay Poblacion, Looc, Romblon.


Nakilala ang mag-asawa na sina Dorico Sarabia Gabanan, Jr., 44, may-asawa, manggagawa at Marivic Taladtad Gabanan, 42, housewife at kapwa residente ng Sitio Sto. Niṅo, Barangay Poblacion, Looc, Romblon, habang ang itinuturong suspek ay kinilalang si Joseph Gabanan Lordan 54, may-asawa, driver at nakatira sa Sitio Sto. Nino, Brgy. Poblacion, Looc, Romblon.


Sa imbestigasyon ng Looc Municipal Police Station, habang naglilinis ng kanilang bakuran ang mag-asawa dakong 7:00 ng umaga ng nasabing araw ay biglang dumating umano ang suspek at pinagtataga ang mga biktima gamit ang isang gulok ng walang dahilan.


Nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibat parte ng katawan ang biktimang si Dorico Gabanan, Jr. habang ang kanyang asawa na si Marivic ay nasugatan sa kamay.


Agad na isinugod ang mga biktima sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital para malapatan ng agarang lunas habang kusa namang sumuko ang suspek sa Looc MPS kung saan siya ngayon ay nasa kustodiya ng kapulisan ng nasabing estasyon para sa kaukulang disposisyon.


Ayon sa mga awtoridad, ang nasabing pangyayari ay nagsimula sa argumento nitong nakalipas na araw tungkol sa pagbibigay ng “ayuda” sa kanilang lugar.


Dati na umanong may alitan ang biktima at ang suspek.


Kasong Frustrated Murder ang inihahanda ng Looc MPS na isampa sa korte laban sa suspek.


Ayon naman sa panig ng suspek, ito umano ang unang dinayo ng mga biktima noong nakalipas na gabi at dumaan lamang sa bahay ng mga biktima noong umaga para magpamedical. (Romblon Sun Online)

ADVERTISE WITH US!.png