• Tony Miñano Macalisang

Magkainuman na hindi nagkaunawaan nauwi sa tagaan sa Odiongan


ODIONGAN, Romblon – Dalawang lalaki na magkapitbahay ang nag-inuman at sa kalaunan ay hindi nagkaunawaan na humantong sa pananaga kahapon ng 8:00 ng gabi sa Sitio Tabing-Ilog, Barangay Batiano, Odiongan, Romblon.


Kinilala ng kapulisan ang biktima na si Charlie Lazaro Forcadas, Jr., 30 taong gulang, binata, magsasaka habang ang itinuturong suspek ay nakilala na si Dale Jonnard Mijares Lozada, 27 taong gulang, binata, magsasaka at parehong residente ng Sitio Tabing-Ilog, Barangay Batiano, Odiongan, Romblon.


Ayon ay PCPT Manuel Fernandez, Jr., Hepe ng Odiongan Municipal Police Station, ang biktima at ang suspek ay nag-inuman ng alak sa bahay ng biktima at habang nag-iinuman ang dalawang magkapitbahay ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo kung saan ay sinuntok ng biktima sa mukha ang suspek.


Umalis at umuwi umano ang suspek sa kanilang bahay na ‘di kalayuan, kumuha ng gulok at bumalik sa bahay ng biktima. Hinarap naman umano ng biktima ang suspek at dahil sa nakaambang panganib ay tumakbo ang biktima ngunit hinabol ito ng suspek at nang maabutan ay tinaga niya ito sa likod.


Nagtamo ng sugat sa kanyang likuran ang biktima na dinala sa Romblon Provincial Hospital (RPH) para malapatan ng kaukulang lunas.


Tumakas naman ang suspek dala ang ginamit na armas na kalaunan ay natumba na lamang. Dinala rin ang nasabing suspek sa Romblon Provincial Hospital upang masuri ang kalagayan, dito na rin dinakip ng kapulisan ang suspek.


Kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng Odiongan MPS ang suspek at nahaharap ito sa kasong Frustrated Murder na siyang inihahanda ng kapulisan na isasampa sa korte laban sa nasabing suspek. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.