MAHALAGA ANG PAGGAMIT NG MGA CCTV SA MGA LANSANGAN AT MGA ESTABLISEMENTO



Mabilis ang pag-unlad ng impormasyon at teknolohiya. Ang paghuli at pagpatay kay Maj. Gen. Quassim Suleimani ng Iran at mga kasama nito ay ginamitan lang ng drone. Ang drone ay isang sophisticated gadget na mayroon ding camera na nasusundan at natutukoy ang target. Asintado ang nasabing drone. Robotics ang tawag sa teknolohiyang ito na pinaandar ng computer.


Isang makabagong teknolohiya ang Closed Circuit Television o CCTV. Lahat ng galaw na naabot ng kamera ay naiipon sa pinaka memory ng computer. Kaya anumang insidente, nakawan, aksidente, lihim na mga negosasyon, legal o illegal ay nakukuhanan ng mga kamera ng CCTV. Pagkatapos na nakuhanan ang ibat-ibang insidente ay puwedeng ireview ang mga litrato mula sa CCTV. Kaya makikita mo dito ang totoong nangyari sa isang aksidente.


Dati ay huhulaan lang ito, kung krimen ang nangyari ay kailangan pa na maghanap ng mga testigo o mga buhay na saksi. Bibilang ng maraming corroborating statements at affidavits bago maihain sa husgado ang isang kaso. Magpapagalingan ang mga abogado ng nasasakdal at ang naghain ng sakdal sa kanilang argument bago mahusgahan sa hukuman. Bumibilang ng taon ang kaso. Pero sa kabila nito ay ayaw pang tanggapin ng akusado na siya ay nagkasala. Pero kung yang kasong yan ay nahagip ng CCTV siguradong mapapaikli ang pagdesisyon sa kaso.


Kaya mahalaga ito sa ating mga lansangan, sa poblacion man o sa mga barangay. Dahil sa CCTV ay madaling maaayos at ang mga aksidente sa lansangan at hindi na kailangan ang masusing imbistigasyon. Lalo na sa mga hidwaan dulot ng mga aksidente kung sino ang may kasalanan sa magkabilang panig. Lalo na sa panahon ngayon na maraming galang aso sa mga lansangan ang nagiging dahilan ng aksidente. Dahil kapag nahagip sa CCTV ang litrato ng aso, madaling hanapin ito. Mapapanagot natin ang may-ari ng aso.


Ganoon din sa mga nakawan. Kapag nahagip ng kamera ang isang akyat bahay o magnanakaw ay madaling makilala. At masampahan ng reklamo at kaso. Dahil naaaktuhan ang kanyang ginawa ay hindi na kailangan ang mga affidavit at mga saksi sa pangyayari na kung minsan kapag magaling ang abogado ng nasasakdal ay madaling mapabulaanan at ang mangyari absuwelto ang suspek.


Ang CCTV ay isang deterrent din sa mga nagpaplano ng pagnanakaw dahil magdadalawang isip sila sa gagawing illegal na gawain. Sa lahat ng pagkakataon ay malaking tulong ang CCTV na maaaring i-access din sa iyong computer o cellphone at makikita mo ang iyong establishment kahit ikaw ay nasa malayo. Mamo-monitor mo ang iyong mga tauhan o empleyado sa iyong kumpanya. Kahit wala ka sa iyong bahay o proyekto ay mayroon kang mata at mga records na agarang mare-review sa mga nakaraang pangyayari.


Sa panahon ngayon na marami na ang mga sasakyan sa kalsada at kadalasan ay maraming nangyayaring aksidente ay napapanahon na ang malawak na paggamit ng CCTV sa ating mga lansangan. Bagaman at medyo may kamahalan ang pagpapakabit nito ay sulit naman sa ibibigay na suporta sa mga surveillance na hindi kayang gawin ng pangkaraniwang tao. Dahil ang CCTV ay aktuwal na mga pangyayari ang na erecord, kaya agarang solusyon ang naibibigay nito sa mga kinauukulan.


Dahil sa CCTV, ang mga haka-haka tungkol sa mga tunay na nagaganap ay hindi na isang mahabang katanungan at panghuhula, bagkus mayroon itong agarang kasagutan sa oras na nahagip ng kamera nito ang tunay na pangyayari.


Sa pagunlad ng agham at teknolohiya, ay mangyayari na marami ang magiging invention ng mas makabago pang mga electronic na kagamitan at isa na ang CCTV. Maraming pakinabang sa CCTV. Sana ay dumating ang panahon na maging mura ito at abot kaya na mga ordinaryong mamamayan.


Dahil sa kahalagahan ng CCTV ay nagmumungkahi tayo sa ating mga SB at SP na magpasa ng isang local na ordinansa. “AN ORDINANCE REQUIRING THE INSTALLATION OF CCTV IN ALL PUBLIC ROADS, GOVERNMENT OFFICES, FACILITIES AND OTHER INSTITUTION FOR MONITORING AND SURVIELLANCE”. Kapag may CCTV ay maiiwasan din ang corruption.


Itong sa atin ay mungkahi lang naman. Pero kung makakatulong ito sa ating mga kababayan ay puwede nating pagkaisahan na ito ay maisakatuparan.


Nakita ko nga yung CCTV sa opisina ng Municipal Administrator ng Odiongan, Romblon, na si Dr. Ramir Ramos, isang matagumpay na proyekto ito at malaking tulong sa Lokal na Pamahalaan. Mamamasdan mo dito yong mga nangyayari sa ibat-ibang panig ng poblacion ng Odiongan. Malinaw na nakikita ang mga kaganapan, aksidente o pananamantala sa kapuwa o traffic violations, at sa ganitong paraan, puwedeng patawan ng penalty yong mga drivers sa pamamagitan ng NO CONTACT Policy. Kailangan lang ay matibay yong batas natin sa Traffic Enforcement.

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.