• Tony Miñano Macalisang

Mangingisda sa Odiongan nakuryente, patay


ODIONGAN, Romblon – Isang mangingisda ang aksidenteng nakuryente kahapon ng 4:30 ng umaga, Setyembre 8, 2020 sa Barangay Libertad, Odiongan, Romblon.


Ang biktima ay kinilala ni Police Captain Manuel F. Fernandez, Jr., Hepe ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS) na si Roldan Fos Solangon, 60 taong gulang, walang asawa, mangingisda at residente ng Purok Mapa, Barangay Libertad, Odiongan, Romblon.


Sa ginawang imbestigasyon ng Odiongan MPS, dakong 11:00 ng gabi ng Setyembre 7, 2020 ay naputol umano ang daloy ng kuryente sa nasabing lugar matapos na malagot ang linya ng kuryente ng matumbahan ito ng punong niyog.


Noong 4:30 ng umaga ng Setyembre 8, 2020 inusisa umano ng biktima ang lugar kung saan naputol ang linya ng kuryente, at habang nasa lugar ay napansin nito ang paparating na motorsiklo na minamaneho ni Riva Fojas papunta sa kanyang direksyon at sinabihan niya ito na huwag dumaan at inasistahan pa ang nasabing drayber na si Fojas, ngunit aksidente naman nitong nahawakan ang isang “live wire” na may mataas na boltahe at naging dahilan para kuryente ang biktima.


Dinala naman ng nagresponding mga kapitbahay ang biktima sa Romblon Provincial Hospital (RPH) ngunit idineklara itong dead on arrival (DOA) ni Dr. Mar Angelo De Leon na siyang sumuri sa biktima. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.