• Tony Miñano Macalisang

Mangingisda sa Romblon nawawala sa laot


ROMBLON, Romblon – Isang mangingisda ang napaulat na nawawala sa Romblon, Romblon noong umaga ng Lunes, Hulyo 27, 2020 sa Romblon.


Kinilala ang mangingisda na si Hugo Mayor, Sr., 70 taong gulang, mangingisda, at residente ng Barangay Mapula, Romblon, Romblon.


Ayon sa ulat, natagpuan na lamang na palutang-lutang ang bangka ng nawawalang biktima sa lugar kung saan siya huling nakita ng mga kasamahang mangingisda at bali ang katig. Wala namang nawala sa mga gamit nito at maging ang kanyang nahuling isda ay nasa loob pa ng styro at palutang-lutang malapit sa bangka, ayon sa isang mangingisda na unang rumesponde sa panawagan ng isang barkong barge na dumaan at ipinarating ang kalagayan ng bangka.

Huling namataan ang mangingisda ng kanyang kapwa mangingisda noong 4:00 ng umaga ng Lunes, sa laot na malapit sa baybayin ng Barangay Agnipa, Romblon, Romblon. Pinagdududahan na nahagip ng barko ang bangka ng mangingisda na dumaan sa pagitan ng 4:30 at 5:00 ng umaga kung saan ay may kalakasan ang ulan at zero visibility ang karagatan ayon sa ibang mangingisda na nanduon sa nasabing lugar.

Agad namang nagsagawa ng search and rescue operation ang Coastguard - Romblon, Maritime Police, PNP, Bantay Dagat, MUFA, RDSAC, Barangay Officials at ibang mga NGOs para mahanap ang biktima na hanggang sa sinusulat ang balitang ito ay hindi pa natatagpuan. (Tony Miñano Macalisang/ Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.