• Tony Miñano Macalisang

MATAAS NA PAMASAHE SA TRIBIKE INIREKLAMO


ODIONGAN, Romblon – Umaangal na ang karamihang pasahero ng tricycle o tribike sa bayan ng Odiongan dahil sa mataas na singil ng pamasahe ng mga drayber.


Ang dating regular na pamasahe sa tribike ay sampung peso (P10.00) sa loob ng poblacion ng Odiongan at dahil sa pagtaas umano ng gasolina ang kinunsidera ng LGU – Odiongan ang apela ng mga driver at operator ng OTBODA at pinahintulutan ang pagtaas ng pamasahe at ginawang dose pesos (P12.00) ang minimum at may dagdag na dalawang peso sa bawat kilometro.


Noong napailalim sa general community quarantine ang lalawigan ng Romblon at naging limitado lang sa isa ang pasahero ng mga tricycle ay niluwagan ng gobyerno ang paniningil ng mga tricycle sa kanilang pasahero kung saan ay mayroon umanong nagsasamantala na mga driver at naniningil ng sobra kaysa itinakda ng lokal na pamahalaan ng Odiongan.


Ayon sa isang residente ng isang barangay ng Odiongan na ayaw magpabanggit ng pangalan, ang singil umano ng mga tribike na pumapasada sa loob ng Poblacion ay P20.00 na. Dati umano ay P12.00 lamang ang minimum na pamasahe. Katuwiran umano ng drayber ay limitado lang daw kasi sa isa ang pasahero dahil sa pinapatupad na social distancing. Ngunit, ayon naman sa kanya kahit noong dati kahit iisa lang ang pasahero ng tribike ay bumibiyahe na ito at minimum rin ang bayad, at wala naman umanong pinagbago ang noon at sa ngayon dahil nasa ilalim na ng general modified community quarantine (GMCQ) ang Odiongan at pinapayagan nang pumasada ang mga sasakyan.


Reklamo rin ng isang suki ng tricycle na taga Sitio Mainit, Barangay Patoo, Odiongan, Romblon, tumaas rin ng ilang doble ang singil ng drayber papunta sa kanilang lugar sa Sitio Mainit na dati ang pamasahe ay P20.00 pero ngayon ay naging isangdaang peso (P100.00) na.


May iba pang mga residente na malimit sumakay sa tribike papunta at pabalik katulad na lang sa Barangay Batiano na ang singilan umano sa one way na pamasahe ay P80.00 na samantalang ang aprubado na Fare Matrix noong panahon ng GCQ ay P16.00 lamang.


Ayon naman sa isang ginang na taga Barangay Tumingad, Odiongan, ang halaga umano ng pamasahe mula sa Barangay Tumingad ay nasa P150.00 na rin bawat isa.


Kahit ang malalapit lang na lugar katulad sa bandang estasyon ng Petron sa Barangay Tulay, Odiongan papuntang bayan ay P40.00 na rin ang sinisingil sa pasahero.


Dahil sa mataas na singilan ngayon ng pamasahe sa tricycle ay marami nang residente ang nagtitiis na lang na maglakad. Gusto rin nila na maipaabot sa kinaukulan ang kanilang hinaing tungkol sa labis na paniningil ng mga tricycle drayber na lampas sa itinakdang Fare Matrix para sa tribike na isang uri ng pampublikong sasakyan para maserbisyuhan ang mamamayan na walang sariling sasakyan. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.