• Tony Miñano Macalisang

Mga ilegal na minero sa Magdiwang (Romblon) na naaktuhang naghuhukay, arestado


MAGDIWANG, Romblon – Dalawang lalaki na ilegal na nagmimina ang nahuli ng kapulisan nitong 3:20 ng hapon ng Setyembre 8, 2020 sa Sitio Puyo, Barangay Ipil, Magdiwang, Romblon.


Kinilala ang mga nahuling suspek na sina Mark Noel Salvador Enriquez, 28 taong gulang, may kinakasama, walang trabaho, at Sherjohn Presilda Marida, 25 taong gulang, binata, walang trabaho, at ang mga hindi nahuli ay nakilala na sina Mark Gil Magracia Robea, 35 taong gulang, may kinakasama, at Dave Modena Rodaje, 29 taong gulang, may-asawa, walang trabaho, at pawang residente ng Barangay Ipil, Magdiwang, Romblon.


Sa ulat ng Magdiwang Municipal Police Station (MMPS), isang pinagsanib na operasyon umano ang ikinasa ng Magdiwang MPS sa pamumuno ni PSSg Juanito Ruallo, Jr. at sa ilalim ng superbisyon ni PCPT Chisi F. Faderogao at ng mga tauhan ng PIU na pinamunuan ni PSSg Charmel Blanco sa ilalim ng pamamahala ni LTCOL Allan Ruba, C, PIU laban sa ilegal mining pagkatapos na makatanggap ng impormasyon ng nasabing aktibidad. Naaktuhan umano ang mga suspek na nagsasagawa ng paghuhukay upang makakuha ng “mineral ore” (gold ore).


Bago pa man masakote lahat ng pulisya ang mga kalalakihan ay nagkaripasan na ito ng takbo sa iba’t-ibang direksyon ng mapansin ang mga awtoridad sa nasabing lugar. Hinabol naman ng mga kapulisan ang mga suspek at dalawa sa mga ito ang nahuli, samantalang nakatakas ang nakilalang sina Robea at Rodaje.


Nakumpiska sa naturang lugar ang iba’t-ibang kagamitan na kinabibilangan ng sako na may lamang mineral ore, 2 pirasong pala, 2 pirasong crew bar, 3 pirasong chisel, isang pirasong martilyo, isang mallet, isang flashlight at 4 na pirasong container.


Dinala ang mga suspek at ang mga nakuhang kagamitan sa Magdiwang MPS para sa kaukulang dokumentasyon.


Patuloy pa rin ang isinasagawang operasyon ng pulisya upang madakip ang umeskapo na mga suspek.


Kasong paglabag sa Section 102 of R.A. 7942 ang inihahanda ng Magdiwang MPS na isampa laban sa mga suspek. (Tony M. Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.