MGA PULIS, KABATAAN AT KONSEHO SAMA-SAMANG NAGTANIM NG PUNO SA ODIONGAN


ODIONGAN, Romblon -  Alinsunod sa PNP Core Values - "Pulis Makakalikasan", ang Odiongan Municipal Police Station ay nagsagawa ng Tree Planting noong 7:00 hanggang 8:30 ng umaga ng Agosto 6, 2020 sa Sitio Tagaytay, Barangay Tulay, Odiongan, Romblon.

Ang naturang aktibidad ay matagumpay na naisagawa sa pakikipagtulungan ng Konseho ng Barangay Tulay, Odiongan, Romblon na pinamumunuan ni Hon. Cesar F Tambalque, Barangay Captain, Sangguniang Kabataan at Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT) ng nasabing barangay na pinangunahan ni Hon. Kayneth Año, SK Chairman at KKDAT President.

Katuwang rin sa nasabing programa ang mga tauhan ng Romblon Provincial Mobile Force Company at iba’t-ibang grupo tulad ng NGOs at mga ordinaryong mamamayan na boluntaryong sumali.

Umabot sa isang daang (100) mga Bangkal Trees seedlings ang tulong-tulong na itinanim na ipinagkaloob ng Environmental and Natural Resources Office (ENRO).

Ang nasabing aktibidad ay napapanahon ngayong tag-ulan sapagkat ang mga punla ay nangangailangan ng sapat na oras upang mag-ugat bago magsimula ang tag-araw. Ang mga puno ng Bangkal ay kilala bilang taga sipsip ng tubig at maaasahan rin bilang proteksyon at pagkontrol sa pagguho ng lupa.

Makabuluhan ang programang tree planting at kailangan ang bawat isa ay magtulungan at bigyan ng sapat na atensyon na pangalagaan ang  kalikasan para sa kinabukasan ng susunod na henerasyon. Ang pagtatanim ng puno ay may mahalagang bahagi para sa malusog na pamumuhay ng komunidad at pag-iwas sa mga sakuna dulot ng pagbaha at pagguho ng lupa. - amlsoledad (contributed article)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.