• Tony Miñano Macalisang

Motorsiklo nahulog sa ilog matapos mahagip ng sasakyan na tumakas sa aksidente


BACHAWAN, San Agustin, Romblon – Isang motorsiklo ang nahulog sa ilog matapos na mahangip ng sasakyan na tuloy-tuloy ang takbo dakong alas 3:55 ng hapon, Setyembre 4, 2020 sa Barangay Bachawan, San Agustin, Romblon.


Kinilala ng San Agustin Municipal Police Station (SAMPS) ang mga biktima na sina Edward Anderson Fabon, 16 taong gulang, estudyante, binata, at Arabela Servanez Salazar, 17 taong gulang, dalaga, parehong residente ng Barangay Batiano, Odiongan, Romblon.


Ang itinuturong suspek ay kinilala umanong si Alvin Fiestada, 32 taong gulang, binata, at nakatira sa Barangay Tulay, Odiongan, Romblon.


Sa inisyal na imbestigasyon ng San Agustin MPS, binabaybay umano ng sasakyan na kulay light blue na Innova na may plakang SKR 763 ang kalsada mula sa bayan ng San Agustin papuntang Odiongan na dadaan sa Sitio Cabaliwan, Barangay Bachawan, San Agustin, Romblon samantalang ang sasakyan naman ng mga biktima ay nasa kabilang linya na huminto bago pa umabot sa isang maliit na tulay upang bigyan ng daan ang mabilis na paparating na sasakyan na Innova na kung saan sa isang iglap ay nahagip ang angkas na si Arabella Zalazar at naging dahilan para mawalan ng kontrol si Fabon sa motorsiklo hanggang sa ito ay mahulog sa ilog kasama ang motorsiklo. Samantala, imbes umanong huminto ang nagmamaneho ng sasakyang Innova ay diretso itong humarurot papalayo sa mga biktima.


Ayon sa mga saksi tumakas umano ang suspek na driver at tuloy-tuloy lang sa kanyang pagmamaneho.


Ang nasabing aksidente ay ipinagbigay alam ng isang nagngangalang “Jun” na drayber ng sasakyan na (medical rescue vehicle) na nagligtas sa mga biktima na pag-aari ng San Agustin LGU at nagdala sa mga mga ito sa Tablas District Hospital (TIDH) at sa kalaunan ay dinala ang mga biktima sa Romblon Provincial Hospital sa bayan ng Odiongan para sa kaukulang lunas.


Sa isinagawang tuloy-tuloy na imbestigasyon ng San Agustin MPS nalaman ang pagkakilanlan ng suspek sa pamagitan ng numero ng plaka ng sasakyang Innova na pag-aari ng gobyerno na nakadestino sa Governor Sub Office sa bayan ng Odiongan. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.