• Tony Miñano Macalisang

Motorsiklo sumalpok sa kasalubong na tricycle sa Alcantara, mga sakay dinala sa ospital


ALCANTARA, Romblon – Isang motorsiklo na walang ilaw ang sumalpok sa kasalubong na tricycle, kahapon ng 8:20 ng gabi, Nobyembre 13, 2020 sa national road ng Barangay Bonlao, Alcantara, Romblon.


Nakilala ang mga sakay ng tricycle na sina Michael Marceño Gregorio, 54 taong gulang, driver, may-ari ng tricycle, Tessie Galang Gregorio, 54 taong gulang, housewife, asawa ni Michael at ang anak nila na si Elliana Galang Gregorio, 10 taong gulang at pawang mga residente ng Barangay Bonlao, Alcantara, Romblon, samantalang ang sakay ng kulay pulang motorsiklong Suzuki shogan 125 ay ang may-ari na si Norman Gado Gapi, 37 taong gulang, binata, karpentero at residente ng Barangay Bonlao, Alcantara, Romblon.


Sa imbestigasyon ng Alcantara Municipal Police Station (AMPS) binabaybay ng tricycle na minamaneho ni Gregorio ang kahabaan ng national road sa Barangay Bonlao, Alcantara, Romblon mula sa bayan ng Santa Maria kung saan sila dumalo sa isang prayer meeting at pauwi na sa kanilang tahanan sa Barangay Bonlao, Alcantara habang si Gapi naman na sakay ng kanyang motorsiklo ay binabaybay rin ang national road sa kabilang linya na napag-alaman ng kinaukulan na galing umano sa isang inuman at pauwi na sa kanilang bahay at pagsapit sa nasabing lugar ng insidente ay mabilis umanong ang pagpatakbo ni Gapi ng kanyang motorsiklo na walang ilaw at hindi umano alam na napagawi na ito sa kabilang linya hanggang sumalpok sa kasalubong na tricycle na sinasakyan ng pamilya ni Gregorio na nagresulta sa pagkatilapon ni Gapi sa kongkretong kalsada na naging dahilan para magtamo ito ng mga sugat at galos sa katawan. Habang ang sakay at drayber ng tricycle ay nagkaroon rin ng konting pinsala at nasira ang bandang unahan ng tricycle.


Dinala ang lahat na biktima ng aksidente sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital sa Looc, Romblon ng mga rumesponding opisyal ng barangay para malapatan ng kaukulang lunas at ang mga sangkot na sasakyan ay dinala naman sa Barangay Hall ng Barangay Bonlao, Alcantara, Romblon para sa pansamantalang kustodiya. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.