• Tony Miñano Macalisang

Motorsiklong biglang lumiko nasalpok ng sumusunod na motorsiklo, driver at angkas dinala sa RPH




ODIONGAN, Romblon – Dinala sa Romblon Provincial Hospital ang angkas at driver ng isang motorsiklo matapos mahagip ang hulihang bahagi ng sinusundang motorsiklo sa national road ng Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon nitong 1:15 ng hapon ng Enero 20, 2021.


Kinilala ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS) ang mga biktima na sina April Rose Fallaria Maligo, 31 taong gulang, may-asawa, OFW, may-ari at nagmamaneho ng motorsiklong Suzuki 150 na kulay itim at ang anak na angkas nito na si Princess Xyhiraine Fallaria Maligo, 8 taong gulang estudyante at kapwa residente ng Barangay Libertad, Odiongan, Romblon, habang ang drayber ang nabanggang motorsiklo ay kinilala na si George Gregorio Lonzagay, 52 taong gulang, may-asawa, may-ari at driver ng motorsiklong Honda TMX 125, at nakatira sa Barangay Tubigon, Ferrol, Romblon.


Sa imbestigasyon ng Odiongan MPS, napag-alaman na sa nasabing petsa, oras at lugar ang dalawang motorsiklo ay parehong binabaybay ang kahabaan ng national road ng Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon patungo sa direksyon ng Odiongan Public Market at pagsapit sa tapat ng gusali ng KAD-Bayan Coop, ay biglang lumiko sa kaliwa na hindi gumamit ng “signal light” ang sa unahang motorsiklo na minamaneho ni Lonzagay kaya’t aksidenteng nabangga ng sumusunod na motorsiklo na sinasakyan ng mag-inang Maligo.


Dahil sa pangyayari ay natumba ang motorsiklo ng mag-ina, kung saan ay nagtamo ang mga ito ng sugat at galos sa iba’t-ibang parte ng katawan at agad isinugod sa Romblon Provincial Hospital (RPH) para sa kaukulang lunas.


Pareho naming dinala sa himpilan ng Odiongan MPS ang mga sangkot na motorsiklo para sa kaukulang disposisyon. (Tony M. Macalisang/ Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.