• Wilson M. Fortaleza

NAKAKALALAKI ANG BABAENG PRESIDENTE


Isa sa pinakamagaling na mayora ngayon sa Pilipinas ay babae. Siya si Odiongan, Romblon Mayor Trina Firmalo-Fabic. Patunay dito ang maraming award na nakuha ng Odiongan LGU mula nang siya ay mahalal na Mayor noong 2016 at 2019, at higit nitong panahon ng pandemya dahil sa kanyang maagap, malikhain, at makataong tugon sa pandemya katuwang ang Sanggunian.


Marami sa mga naging mayor namin ay lalaki, pero ang liderato ni Mayor Trina ay maituturing na exemplary o kakaiba sa mga nauna. Hindi dahil siya ay babae kundi dahil siya ay isang magaling na lider. Sa harap nito, alam ko na hindi rin sasang-ayon ang kalalakihan na ang kahusayan ng babae ay dahil sa kahinaan ng lalaki.


Bakit ko nasabi ito? Dahil sa ilalim ng patriyarkal na mundo, ang kahinaan ng babae ay hindi itinakda ng kanyang abilidad bilang tao kundi ng kanyang kasarian, ng kanyang pagiging babae. May itinakda kasing lugar sa patriyarkal na lipunan para sa mga babae, magaling man siya o hindi, matapang man o mahina. Nakasulat pa nga ito sa banal na aklat ng Islam, Kristyanismo, Hindu, Orthodox, at maging ng mga Confucian: Na ang babae ay dapat pumailalim sa otoridad ng lalaki. Ilang libong taon na itong laman ng sermon sa mga misa at kasal. Kaya’t kahit maton at barumbado si lalaki, handa itong tiisin ni babae. Ang kanilang bugbugan ay panoorin din lang ng kapitbahay. Dahil tanggap ito ng lipunan. Ang kapangyarihan kasi ay nasa tatay.


Hindi na ako magbabanggit ng mga babaeng naging sikat na national at global leaders sa maraming larangan dahil anuman ang gawin nating pagkwenta, iisa lang ang magiging resulta. Gapatak lamang sila sa malawak na gubat ng oportunidad at kapangyarihan sa mundong ito. Dahil para maging lider, gabundok na hadlang ng mga institusyon at baradong kamulatan ang dadaanan ng babae para maipakita lamang na kaya nya rin. Na siya ay tao rin katulad ng lalaki.


Dito sa Pilipinas, noong 2009 pa idineklara ng National Statistical Coordinating Board (NSCB) mula sa resulta ng kanilang pag-aaral na sa ilang aspeto ng pag-unlad, katulad ng edukasyon, ay lamang na si Pilar kay Pepe. Sa kabila nito ay malawak pa rin ang diskriminasyon sa kababaihan. Ganundin sa LGBT community sa mas masahol na basehan.


Panahon na ng fourth industrial revolution, ng artificial intelligence at robotics, pero ang pananaw at pagtrato sa kababaihan ay hindi makaalis sa panahon ng mga geisha at gladiator. May kaunting pag-unlad pero ang alam pa rin ng nakararami, ang babae ay second class citizen. Dahil ito sa lumang doktrina na pasalin-salin lamang sa bawat henerasyon. Kaya’t huwag magtaka kung bakit karamihan ng mga babae mula pagsilang hanggang sa mamatay ay tinanggap na ang ganitong papel sa buhay – pangkama at pambahay. Maging sa pormal na trabaho ay extended ang role na ito. Teacher, nurse, caregiver, domestic worker, waitress, flight attendants, cook, garments workers, pagtitinda, atbp., mga trabahong ekstensyon pa rin sa gawaing bahay at general services. Dahil ito ang stereotyped na papel ng kababaihan. Hindi pang lider. Kaya’t huwag ding magtaka kung bakit gapatak lang ang babae na gusto at handang maging lider, sa gubyerno man yan o pribadong institusyon. Maging sa unyon o sektoral na mga asosasyon.


Malalim na pagsasamantala at diskriminasyon ang pinagmumulan nito. Sa India, halimbawa, ay hindi na halos maghangad ng higher education ang mga babae dahil ang alam nila ay ipapa-asawa lang naman sila nang mas maaga sa lalaking napili ng kanilang mga magulang. Sa ilang bansa ay may nagpapatupad pa ng child marriage at death by stoning sa kababaihan. Napakabagal ng paglaya ng kababaihan. Kahit nga sa maunlad na mga bansa, ang universal suffrage o karapatang bumoto ng kababaihan ay nangyari lamang noong 1918 sa Britanya at noong 1920 sa Amerika. Dito sa Pilipinas ay 1937 na nakaboto ang mga babae. Ang mga karapatang ito, gayon din ang iba pang mga karapatang tinatamasa ng kababaihan sa kasalukuyan, ay bunga nang pakikibaka at paglaban ng kababaihan sa tradisyon. Hindi ito bunga ng kagandahang loob ng lipunan sa kababaihan.


Sadya nga ba talagang pang-kama at taga-alaga lamang ng asawa at mga anak ang kababaihan. Na ilan lang sa kanila ang maaring maging lider?


Hindi ako sang-ayon sa lumang pananaw at tradisyon na ito. At hindi ko itinatago ang radikal na pananaw ko tungkol dito kahit na magalit man sa akin ang Santo Papa, Si Brother Eddie, si Mike Velarde, o si Pastor Quibuloy. Nagsasabi lamang ako ng katotohanan na ayon din sa kasulatan, ay siyang totoong magpapalaya sa atin.


Kaya nang sabihin ni Duterte na hindi pambabae ang tanggapan ng Pangulo, nasambit ko na ito ang isa sa pinakatapat niyang sinabi sa lahat ng kanyang sinabi. Dito ay totoong totoo siya sa kanyang sarili. Hindi siya naiiba sa marami pang tao na ganito rin ang pananaw kung kaya’t representante lamang siya ng ganitong kamulatan. Hindi ako magtataka kung 91% ay sumang-ayon o pumalakpak sa kanya tungkol dito. Hindi dahil siya ay tama, kundi dahil ‘maka-lalaki’ ang pananaw ng mga Pilipino.


Alalahanin din na nang sabihin ni Digong na pang-lalaki ang Presidente, hindi niya direktang sinabi na mahina kasi si Leni. Hindi na kasi kailangang banggitin dahil wala namang malabo sa kanyang sinabi. Dahil malinaw sa kanya na ang kapangyarihan ay pang lalaki at ang matatapang na babae na lumalaban sa lalaking nasa kapangyarihan ay mas bagay sa kulungan katulad ni Leila Delima at Maria Ressa.


At siyanga pala. Hindi nya rin sinabi kung naging maayos ang bansa sa pamumuno ng mga lalaking naging Presidente. Dahil hindi nya aaminin na hirap na hirap na siya pero ang ilang beses niyang banta na mag-resign ay hindi totoo. Hindi pwede dahil si VP Leni ang papalit at hindi si Inday Sara.

ADVERTISE WITH US!.png