• Tony Miñano Macalisang

Nakaparadang Canter binangga ng Isuzu sa San Agustin, driver at pahinante nasaktan


SAN AGUSTIN, Romblon – Isang nakahinto na kinakabitan ng gulong na sasakyang Canter ang nabunggo ng dumadaang Isuzu 6 wheeler kahapon ng ala 1:45 ng hapon, Setyembre 19, 2020 sa Barangay Binonga-an, San Agustin, Romblon.


Kinilala ng San Agustin Municipal Police Station (SAMPS) ang mga sakay ng Canter at nasaktan na sina Richard Rioja Madamo, 42 taong gulang, may-asawa, driver, Mark Luis Monsales Barasal, 19 taong gulang, binata, laborer, Patrick Bautista Mancuyas, 18 taong gulang, laborer, at Jomar Talamisan Galanao, 36 taong gulang, binata, laborer, at pawang mga residente ng Barangay Dubduban, San Agustin, Romblon habang ang sa pangalawang sasakyan na Isuzo 6 wheeler na may plakang WKY 529 ay nakilala na minamaneho ni Roderick Montesa Baliwag, 51 taong gulang, may-asawa at residente ng Barangay Cagbo-aya, San Agustin, Romblon.


Sa imbestigasyon na isinagawa ng mga tauhan ng San Agustin MPS sa pangunguna ni PSSg Lyndon M. Miñon na rumesponde sa tawag ng mga nakasaksi, napag-alaman na ang sasakyang 6 wheeler na Canter na may plakang XPC 798 ay binabaybay ang kahabaan ng National road ng Barangay Binonga-an, San Agustin, Romblon papunta sa bahaging parte ng timog ng munisipyo nang mapansin nila na mahina ang hangin ng gulong ng sasakyan kaya’t ipinarada ng drayber sa bandang kanan ng kalsada ang Canter.


At habang kanilang pinapalitan ng gulong ang sasakyan ay dumating naman ang sasakyang 6 wheeler na Isuzu na minamaneho ni Baliwag kung saan ay nabangga nito ang likurang bahagi ng sasakyang Canter na nagresulta sa pagkasira ng dalawang sasakyan.


Dahil sa pangyayari dinala ang mga biktima at ang drayber ng Isuzu sa Tablas Island District Hospital (TIDH) para malapatan ng kaukulang lunas.


Samanatala, ang mga sangkot na sasakyan ay dinala sa San Agustin MPS para maimbestigahan. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.