• Tony Miñano Macalisang

ODIONGAN LGU GINAWANG P120,000 ANG REWARD SA MAKAPAGBIGAY NG IMPORMASYON SA PUMATAY KAY SP MAULION


ODIONGAN, Romblon – Nilakihan ng munisipyo ng Odiongan ang pabuya sa sinuman na makapagturo sa suspek na pumaslang kay Romblon Provincial Board Member Robert Maulion.


Mula sa P20,000 na naunang inalok na reward ng LGU Odiongan ay dinagdagan ito ng P100,000 at naging P120,000 na ang pabuya,ayon kay Police Captain Manuel Fernandez, Jr., Hepe ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS) na kasama sa itinatag ng RPPO na "Special Investigation Task Force Maulion" na pinamunuan ni Police Colonel Arvin Molina, Provincial Director, na siyang hahawak at mag-iimbestiga para sa ikalulutas ng nasabing kaso.


Si Sangguniang Panlalawigan member Robert Maulion ng pangalawang Distrito, ay natagpuang walang buhay sa kanyang unit na nasa ika-4 na palapag ng kanyang gusali sa Barangay Tabing-dagat, Odiongan, Romblon na nagtamo ng labing-anim (16) na saksak sa katawan at nakitaan din ng pasa sa ulo na pinagdududahan ng mga pulis na mula sa hampas ng matigas na bagay.


Sa kasalukuyan ay may person of interest na ang pulisya sa naturang kaso at hindi muna nila ito puwedeng ibubulgar sa publiko hanggang sa makalikom ng sapat na ibedensya para sa ikadidiin ng mga suspek, ayon pa sa pulisya. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.