• Tony Miñano Macalisang

Odiongan MPS may suspek na sa pagpaslang kay SP Member Maulion


ODIONGAN, Romblon – Mayroon nang suspek ang Odiongan Municipal Police Station kaugnay sa pagpaslang kay Sangguniang Panlalawigan Member Robert Fetalino Maulion.


Ayon kay Police Captain Manuel F. Fernandez, Jr., Hepe ng Odiongan MPS may nakilala na silang suspek sa nasabing pangyayari.

Si SP Member Maulion ay natagpuang walang buhay sa loob ng kanyang tinutuluyan sa ika-apat na palapag ng Rose Petal Building sa Barangay Tabin-dagat, Odiongan, Romblon noong 9:30 ng umaga, Hunyo 27, 2020.

Ayon sa ulat ng Odiongan MPS, personal umanong nagtungo sa kanilang estasyon si Angel Forio, isang empleyado ng Rose Petal na pag-aari ng biktima para ipaalam ang pagkatuklas sa bangkay ng biktima sa ika-apat na palapag ng Rose Petal building sa Barangay Tabing-Dagat, Odiongan, Romblon.

Agad namang nagresponde ang mga tauhan ng Odiongan MPS at kanilang nadatnan ang nakatihayang bangkay ng biktima sa sala at may mga sugat sa katawan.

Sa isinagawang awtopsiya sa biktima napag-alaman na nagtamo ito ng labing-anim (16) na saksak sa katawan at nakitaan ng pasa sa mukha.

Nawawala rin ang mga personal na gamit ng biktima na dalawang cell phone (iphone at nova huawei), pitaka at di pa nakumpirmang kalibre ng baril.

Ang suspek ay tumakas pagkatapos mangyari ang krimen sa hindi pa batid na lugar at dala ito ang armas na ginamit sa krimen at ang mga nakulimbat na gamit na pag-aari ng biktima.

Prenoseso naman ng Romblon Provincial Crime Laboratory Office sa pangunguna ni PCPT Ronilo E. Escandor ang lugar na pinangyarihan ng krimen sa kahilingan ng Odiongan MPS at isinagawa rin ng Municipal Health Office ng Odiongan LGU ang pag-awtopsiya sa bangkay ng biktima.

Huling nakitang buhay ang biktima dakong alas 9:00 ng gabi, Hunyo 26, 2020 sa nasabing gusali kung saan ay kararating lamang umano nito mula sa pagdalo sa session ng Sangguniang Panlalawigan sa kabesira ng Romblon. (Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.