• Tony Miñano Macalisang

Odiongan muling tatanggap ng mga LSIs ngayong Agosto – Mayor Trina Fabic



ODIONGAN, Romblon – Ngayong Agosto ay muling tatanggap ang bayan ng Odiongan ng mga uuwing locally stranded individuals (LSIs) simula ng ito ay sinuspende ng dalawang linggo noong Hulyo.


Ayon kay Mayor Trina Firmalo Fabic, limitado ang pagtanggap ng mga uuwing LSIs dahil ang mga eskwelahan na dating ginagamit bilang quarantine facility ay hindi na magagamit at tanging ang Municipal Evacuation Center lamang sa Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon ang magagamit.


Pagpaumanhin ninyo na limitado ang pwedeng tanggapin dito, kung kaya't mayroon tayong by batch ng pag uwi dahil hindi na pwedeng magamit ang mga paaralan…. Sinisikapan naming makahanap pa ng karagdagang maitatalaga na mga quarantine facility,” ayon kay Mayor Trina Fabic.


Ipinaalaala ni Mayor Fabic sa mga uuwing LSIs na huwag dumiretso sa pier ng Batangas kung walang Notice of Coordination mula sa MDRRMO ng munisipyo. Dapat na makipagcoordinate muna ang barangay sa MDRRMO para ikumpirma na ang uuwi na LSI ay residente ng barangay at maisama ito sa listahan.


Pahayag pa ni Mayor Trina, na naunawaan nito ang kalagayan ng mga LSIs na nasa Maynila at saang mang lugar at tungkulin rin nito na pangalagaan ang kalagayan ng Odiongan bilang covid-free kung kaya’t ang LGU aniya ay gumagawa ng paraan upang makauwi ang mga LSIs at mayroong lugar na maayos na paglalagyan sa mga ito sa loob ng dalawang linggo.


“Alam po namin na kayo ay hirap na sa Manila o NCR o kung saan man kayo ngayon. Pero sana maintindihan ninyo na iniingatan din natin ang pagiging covid-free ng Odiongan, na mapanatili na walang masyadong pinangangambahan ang ating mga mamamayan. Kung kaya't gumagawa tayo ng sistema kung saan ay makakauwi kayo na may maayos kayong lugar na pananatilihan sa loob ng 14 na araw,” pahayag pa ni Mayor Fabic.


Ayon pa kay Mayor Trina kailangan na magprovide ang kamag anak ng LSIs ng kanilang gagamitin na mga beddings, pagkain, personal na mga gamit, timba at tabo. Pwede ring magdala ng electric fan kung mainitan sa lugar, insenso at maging kulambo.


“Magtulungan po tayo para sa ikabubuti ng lahat, at maraming salamat po,” ang huling pahayag ni Mayor Trina Fabic.


Sa datos ng LGU Odiongan umabot na sa bilang na 955 katao ang nakauwi na LSIs sa bayan ng Odiongan simula noong Mayo 26, 2020 hanggang Hulyo 30, 2020. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.