Online training sa regional agricultural biotechnology, itinakda ng ATI


NAUJAN, Oriental Mindoro, (PIA) -- Isang online training sa Regional Agricultural Biotechnology Communication   ang  itinakda  ng Department of Agriculture (DA) – Agricultural Training Institute (ATI) Mimaropa sa pakikipagtulungan sa Biotechnology Coalition of the Philippines (BCP).


Bunsod ng pandemya, mas minabuti ng kagawaran na gawing online ang pang-rehiyong pagsasanay upang matiyak ang kaligtasan ng mga mga kawani ng mga ahensyang nabanggit, gayundin ng mga magiging kalahok sa pagsasanay.


Ayon sa DA-ATI Mimaropa, ang Regional Agricultural Biotechnology Communication  ay naka-akdang gawin noong unang semestre ng taong kasalukuyan ngunit hindi ito natuloy dahil sa krisis sa kalusugan. Sa halip na cluster wide face-to-face training, ang pagsasanay ay online na may 15 kalahok na inaasahang mga agriculture extension workers (AEW) o representante mula sa mga state, universities and colleges (SUC) sa rehiyon.


Magbibigay din ang ATI at BCP ng mga materyales sa pagsasanay tulad ng mga online modules at iba pang reference materials na makakatulong sa pag-aaral ng mga kalahok. Ang mga naturang materyales ay direktang ipapadala sa ATI Regional Training Center sa Naujan, Oriental Mindoro.


Ang pagsasanay ay tatakbo mula Hulyo hanggang Setyembre at ang lahat ng gastos na nauugnay sa nabanggit na aktibidad ay sagot ng BCP.


Ang pagkumpirma sa nasabing online training ay hanggang Hulyo 17 lamang. (LC/PIAMimaropa/Calapan)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.