OrMin, hindi ila-lockdown, ayon kay Gob. Dolor

By Dennis Nebrejo


LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, (PIA) – “Hindi totoo na muling ila-lockdown ang buong lalawigan dahil umano sa mga naitalang nag-positibo sa COVID-19.”


Ito ang mariing pinabulaanan ni Gov. Humerlito ‘Bonz’ Dolor sa isinagawang live Network Briefing News na pinangunahan ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Jose Ruperto Martin M. Andanar ngayong araw Hulyo 23, 2020.


Naging panauhin si Gov. Dolor sa nasabing programa kasama ang pangulo ng Central Student Council, Sto. Niño School of Roxas na si Sam Angelica V. Baticos gayundin ang dalawang mamamahayag ng lalawigan na sina Jake Viray ng Tamaraw Vision Network at Jerry Alcayde ng Manila Bulletin na nagtanong sa gobernador sa pamamagitan ng virtual communication.


Ayon sa gobernador, hindi nakakatulong ang paglalabas ng mga maling impormasyon sa social media at kung mayroon mang mga balita na ipatutupad sa lalawigan ay sa FB page lamang niya ito makikita o sa pamahalaang panlalawigan.


Sinabi rin nito na sinusuportahan ng lokal na pamahalaan ang mga batas na ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force (IATF) dahil ito ay para sa ikabubuti ng Mindoreño.


Bukod dito, kanya din ibinalita na sa Agosto ay unti-unti ng bubuksan ang turismo hindi lamang sa mga lokal na mamamayan kundi pati na rin sa mga dayuhan na siyang nakasaad sa recovery plan partikular sa bayan ng Puerto Galera kasabay na rin ang paglunsad ng turismo sa Roxas, Mansalay at Bulalacao.


Samantala, nagbigay din ng mensahe si Baticos para sa mga kabataan. Anya, “malaking pagbabago ang ating haharapin dahil sa hindi natin inaasahang pandemya. Kailangan nating ariin ang pagbabago sa sistema ng ating pamumuhay. Huwag hayaan na pahintuin o sirain nito ang mundo na ating ginagalawan.”


“Huwag tayong tumigil bagkus umasa sa hinaharap,” pagtatapos ni Baticos.


Ang live Network Briefing News ay inorganisa ng Philippine Information Agency (PIA) na napapanood araw-araw sa pamamagitan ng Peoples Television (PTV4), Radio-Television Malacañang sa social media. (RTVM) (DPCN/PIA-OrMin)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.