OTOMATIK MAY KALABAN


Bakit ba ganun, Mr. President? Bakit sa tuwing bubukas ang bibig mo may otomatik kang kalaban? Para bang sa lahat ng oras ay lagi kang kasado, laging may away. Kahit wala sa lugar. Kahit wala sa panahon. Kahit nga walang kalaban.


Marami nang beses. Paulit-ulit. Daig mo pa si John Wick na kahit saan mapunta anumang oras ay napapalaban. Ang pinakahuli ay nitong nakaraang Lunes, sa cabinet meeting at press briefing mo para sagutin ang hiling ng medical frontliners para sa dalawang linggong time out.


Sa briefing na ito ay halatang inis at nasaktan ang Pangulo sa isinapublikong apila ng mga frontliner. Kaya’t nang matapos ang report ni Secretary Duque ay agad siyang naglabas ng hinanakit. Pero bago pa mabaling sa apila ng mga healthworkers ang isyu, ang una niyang binanatan ay ang NPA. Sumunod ang mga korap at oposisyon. At siyempre hindi mawawala, ang mga adik at druglord.


‘Heto na naman siya,’ otomatik namang reaksyon ng mga netizen. Sa nakalipas na apat na taon kasi ay otomatik ito sa bibig ng Pangulo. Wala halos okasyon kung saan siya nagsasalita na hindi niya sasaltikin ang mga kalaban.


At dahil masama ang loob niya nang oras na iyon, maging ang press conference ng mga doktor noong nakalipas na araw ay halos ituring niya na isang uri ng rebelyon ng mga kalaban. Kaya’t bilang tugon ay hinamon niya ang mga ito na “magrebolusyon” na lang para matapatan niya raw ito ng “counter-revolution.”


Sa galit ay hindi na siya nakapagbigay ng tugon sa kahilingang pagbabago sa estrarehiya laban sa COVID-19. Inulit nya lang ang posibilidad ng bakuna mula sa China bago matapos ang taon. Wala na rin umanong pera para sa ayuda at iba pang dapat o kinakailangang bilhin.


Ang muling deklarasyon ng MECQ sa NCR ay nagmukha tuloy resulta lang ng away.

Nabigla siyempre ang mga frontliner sa naging tugon ng Pangulo kung kaya’t kinabukasan ay naglabas ang mga ito ng pahayag upang ilinaw ang kanilang panig.


“I think there is another group which the President thinks is revolutionary. It’s not us. All we want is to have a solidified and unified way of addressing the COVID-19 problems,” pahayag ni Dr. Maricar Limpin na siyang vice president ng Philippine College of Physicians (PCP).


Kilala si PDuterte sa madalas ay hindi magkakaugnay na ideya sa kanyang mga talumpati. Madalas siyang mag-adlib at ang otomatik niyang paningit ay banat sa kalaban. Nasanay na ang marami dyan. Pero hindi inasahan ng mga doktor at medical frontliners na pati sila ay maging “kalaban.”


Bakit nga ba otomatik kay PDuterte ang banta at galit? Nababawasan ba ang kanyang pagiging Pangulo kung wala ang mga ito? Nawawala ba ang kanyang tapang kung walang kalaban, totoo man o imbento?


Marami nang manunulat ang nagsabi na padron o template ng mga strongman o diktador ang maghanap ng kalaban, at kung wala nito ay mag-imbento ng imahe o senaryo na katatakutan ng mamamayan. Ito ay upang ipakita na sila ang malakas na lider o tunay na tagapagligtas sa ganoong mga pagkakataon. May lohika naman ito dahil hindi kailangan sa normal o tahimik na sitwasyon ang isang strongman o diktador. Kailangan may gulo. Kailangang may ekstremismo para maging makatwiran ang ekstremistang tugon. Ang terorismo, rebelyon, o droga ay mga halimbawa. Ngunit ilan ba sa mga Pinoy ang pinoproblema ang ekstremismo, terorismo, o oposisyon?


Sa paulit-ulit na survey ng Pulse Asia tungkol sa top national concerns ng mga Pinoy ang nangunguna ay: (1) increasing the pay of workers, (2) controlling inflation, (3) reducing poverty, at (4) creating more jobs. Sumusunod lamang sa mga ito ang fighting criminality and corruption kung saan naroon ang pokus ng Pangulo.


Sa totoo lang ay hindi na dapat pinoproblema ni PDuterte ang oposisyon dahil mahina naman ito ngayon. Nangandamatay na rin ang ilang druglord at maraming adik dahil sa EJK at Covid.


Kontrolado rin ng militar ang gulo sa Mindanao. Ang NPA naman ay mas problema dapat ni Joma dahil sa nakalipas na 50 taon ay hindi na ito nakaabante sa pangarap na strategic stalemate ng kanilang protracted peoples war. Pero bakit nga ba otomatik sa bibig ni PDuterte ang NPA, oposisyon, druglord at adik? Isa rin lang ang naiisip kong paliwanag. Mahalagang nariyan sila otomatik dahil kung wala, sarili niyang kamay ang kanyang mapipitpit.

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.