• Tony Miñano Macalisang

Pagbabanta ng lalaking may dalang baril sa kabesira ng Romblon, inireklamo


ROMBLON, Romblon – Isang lalaki na inireklamo ng pananakot at pagbabanta nitong 7:30 ng gabi ng Enero 24, 2021 sa Barangay Sawang, Romblon, Romblon ang inaresto ng mga tauhan ng pulisya.


Nakilala ang suspek na si Ramonito Madia Tumanon, 51 taong gulang, may-asawa, mananahi, habang ang nagreklamo ay kinilala na si Lidy Venus Tumanon, 54 taong gulang, may-asawa, walang trabaho, at parehong residente ng Barangay Sawang, Romblon, Romblon.


Ayon sa ulat ng Romblon Municipal Police Station (RMPS) napag-alaman sa nasabing petsa, oras at lugar, habang nagtitinda ng barbeque si Lidy Tumanon sa harap ng kanilang bahay ay biglang lumabas ng kanilang compound ang suspek papunta sa direksyon ng biktima na may bitbit umanong baril at pagdating sa naturang lugar ay sumigaw na, “Sino ang matapang!” At dahil sa naturang sitwasyon ay tumakbo ang biktima kasama ang kanyang anak na babae papunta sa bahay ni Barangay Kagawad Evangelista Maaba upang humingi ng tulong.


Ipinaabot naman ni Barangay Captain Gil Maaba ng barangay Sawang, Romblon, Romblon ang nasabing pangyayari sa Romblon MPS, at dakong 8:30 ng gabi ay agad nagresponde ang mga tauhan ng nasabing himpilan at inaresto ang suspek na nasa labas ng kanilang bahay na positibong itinuro ng biktima ngunit hindi na narekober sa suspek ang baril na bitbit nito.


Matapos ipaalam sa suspek ang kanyang karapatan na nakapaloob sa ilalim ng Saligang Batas ng Pilipinas ay dinala na ito ng kapulisan sa Romblon MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.


Kasong Grave Threat ang inihahanda ng Romblon MPS na isasampa sa Prosecutor’s Office laban sa naturang suspek. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.