• Tony Miñano Macalisang

PAGPAGAWA NG KALSADA SA MT. GUITING-GUITING NATURAL PARK TINUTULAN



SIBUYAN, Romblon - Tinututulan ng mga Sibuyanon ang planong pagpagawa ng “Cross Country Road” na dadaan sa bahagi ng Mt. Guiting-Guiting Natural Park sa isla ng Sibuyan.


Pinangunahan ng Bayay Sibuyanon, isang NGO sa Sibuyan ang pagtutol sa proyektong pagsagawa ng kalsada na mag-uugnay sa bayan ng Magdiwang at San Fernando kung saan ay madadaanan nito ang lugar na isang protected area na sakop ng Mt. Guiting-Guiting Natural Park.


Upang maprotektahan ang kalikasan ng isla ng Sibuyan, ang Bayay Sibuyanon ay nagsagawa ng online signature campaign para makakalap ng suporta na pahintuhin ang pagsagawa ng Magdiwang-San Fernando National Road na dadaan sa bundok ng Guiting-Guiting, ang pinakamataas ng bundok sa lalawigan ng Romblon.

Sa kasalukuyan ay patuloy ang pagkalap ng pirma ng nasabing NGO na umaabot na sa mahigit anim na libo ang lumagda sa online petition na kanilang ipapadala kay Pangulong Rodrigo Duterte, sa opisina ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Public Works and Highways (DPWH), Mt. Guiting-Guiting Natural Park Protected Area Management Board at sa munisipyo ng isla ng Sibuyan para pigilan ang nakatakdang paggawa ng kalsada na posibleng makakasira sa natural na buhay ng kalikasan.

Ayon pa sa Bayay Sibuyanon napahinto na umano nila sa DPWH ang pagsagawa ng clearing operation para sa nasabing proyektong kalsada na may haba na 3.8 kilometro noong 2018 na inapela rin ng iba’t-ibang NGO na kontra sa pagbubukas ng nasabing cross country road.

Nais rin ng Bayay Sibuyanon na imbestigahan ang proseso kung bakit napasama ang naturang proyekto sa 2020 General Appropriations Act na walang isinagawang feasibility study o konsultasyon sa mga nakakasakop na ahensya kung saan ay dati nang pinatigil ng DPWH ang paggawa.

Ayon pa sa kanila, mas makakabuti para sa mga Sibuyanon kung tutukan na lang ng kinaukulan na pondohan at tapusin ang hindi pa natatapos na mga proyekto sa Sibuyan katulad ng kalsada palibot sa isla, mga farm to market road, mga tulay, daungan at paliparan.

Ang isla ng Sibuyan ay maikukumpara sa Galapagos island dahil sa taglay nitong yaman ng kalikasan. Ang bundok ng Guiting-guiting ay nagtataglay ng humigit kumulang sa 700 na iba’t-ibang klase ng halaman, kasama na ang 54 na uri (specie) na tanging sa Sibuyan lamang makikita at matatagpuan. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)




Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.