• Tony Miñano Macalisang

Pagtanggap Ng LSIs Sa Odiongan Suspendido Ng Dalawang Linggo


ODIONGAN, Romblon – Pansamantalang ipagpaliban muna ng Munisipyo ng Odiongan ang pagpasok ng locally stranded individuals (LSIs) sa bayan ng Odiongan ng dalawang linggo simula Biyernes, Hulyo 17, 2020.


Base sa napagkasunduan ng LGU Odiongan sa pamumuno ni Mayor Trina Firmalo Fabic at ng mga Barangay Chairman na ginanap sa Senior Citizen Building, Barangay Tabing-dagat, Odiongan, Romblon nitong Martes ay ipatitigil muna ang pagtanggap ng LSIs mula sa linggong ito hanggang sa katapusan ng buwan ng Hulyo.


Ayon kay Mayor Fabic nakipag-ugnayan na umano siya sa Provincial Inter Agency Task Force tungkol sa pansamantalang pagsuspendi ng pagbiyahe ng mga LSIs at hinihintay na lamang umano nito ang sagot ng kapitolyo. Gayun pa man may kapangyarihan naman umano ang mga local executive para ipagpaliban ang pagpasok ng mga LSIs sa kanyang nasasakupan.


Ang pagtanggap ng LSIs ay muling ibabalik sa buwan ng Agosto at sa mga barangay naman nagpapalista ang mga gustong umuwi na mga LSIs ayon kay Mayor Trina F. Fabic.


“Muli nating ibabalik ang pagtanggap ng LSIs sa Agosto,” ayon kay Mayor Fabic.


Ayon pa sa Alkalde ng Odiongan ang mga darating na LSIs sa Agosto ay ididiretso sa Odiongan National High School (ONHS) kung saan aniya ay merong inilaan na 13 rooms si Mr. Noel Joseph Machon, ang Principal ng nasabing eskwelahan. (Tony M Macalisang/ Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.