• Tony Miñano Macalisang

PATAY NA SANGGOL NATAGPUANG NILALANGAW SA BRGY. LONOS, ROMBLON




ROMBLON, Romblon – Isang walang buhay na sanggol ang natagpuan ng isang lalaki dakong 2:01 ng hapon ng Agosto 19, 2020 sa Barangay Lonos, Romblon, Romblon.


Ang sanggol ay napag-alaman na isang lalaki at tinatayang pitong buwang gulang na may bigat na 1.3 kilograms na natagpuan ni Jonel Mangao Mindo, 24 taong gulang, may live-in partner at residente ng Barangay Lonos, Romblon, Romblon.


Ang nasabing patay na sanggol ay ipinagbigay alam ni Ginang Helen Madeja sa mga tauhan ng Romblon Municipal Police Station (RMPS) na nagkataong nagroronda sakay ng kanilang mobile car sa Sitio Suwa, Barangay Lonos, Romblon, Romblon kung saan ay agad namang nagsagawa ng imbestigasyon ang kapulisan.


Napag-alaman na habang nangunguha ng mga bunga ng niyog si Mindo sa isang liblib na lugar sa tabi ng highway ng Barangay Lonos ay napansin nito na mayroong bagay na nilalangaw at nang kanyang usisain ay tumambad sa kanya ang patay na sanggol na nasa damuhan.


Agad namang tinawagan ng mga nagresponding kapulisan si Dra. Merly Van Halen Mallorca, ng Rural Health Office na magsagawa ng pagsusuri sa nasabing sanggol. Napag-alaman na labing dalawang (12) oras nang walang buhay ang sanggol bago ito natagpuan.


Dinala ang naturang patay na sanggol sa St. Joseph Cathedral para ito ay mabendisyunan at pagkatapos ay inilibing sa Agbuyog Municipal Cemetery.


Nagsagawa naman ng karagdagang imbestigasyon ang Romblon MPS para makilala ang ina ng sanggol at malaman ang nakapalibot na mga dahilan sa naturang pangyayari. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)


Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.