• Wilson M. Fortaleza

PHILHEALTH AT FAILED HEALTH


Ang Philhealth ay hindi ospital. Pero ito sana ang solusyon para hindi katakutan ng mga Pinoy ang ospital. At dahil ito ang tanging public health insurance system ng bansa, ang tibay at tatag nito ang magbibigay kumpyansa sa manggagawa na dito sa Pilipinas, hindi bawal magkasakit.


Pero paano na kung ang kanyang health insurer mismo ng manggagawa ang siyang nagkasakit?


Ayon mismo sa mga opisyal ng Philhealth sa naganap na imbestigasyon sa Senado at Kongreso, hanggang 2022 na lamang ang buhay ng state health insurance dahil inaasahang aabot na sa P147-B ang magiging deficit nito sa 2021 pa lamang kung magtutuloy-tuloy ang pandemya.


Ganun? Kung totoo ang kwentadang ito ay mahirap pang tiyakin dahil kung namamanipula ang mga numero ng ahensya dahil sa korapsyon, baka maging buhay nito ay kasama na ring nadoktor. Ang malinaw sa ngayon, ang Philhealth ay katulad na rin ng naghihingalong pasyente.


Kung paanong natuyot ng pandemya ang pondo ng Philhealth ay bahagi lamang ng paliwanag. Ang malawakang korapsyon sa loob nito sa nakalipas na ilang taon ay isa ring dahilan. Ang kombinasyon ng dalawang sakit na ito ang siyang pumapatay ngayon sa Philhealth.


Sa totoo lang ay noon pa alam ng mga pinuno nito na may sakit ang Philhealth. Noon pa ay nakikita na nila na kakapusin na ito sa pondo. At habang siya’y kinakapos, iikli din ang kanyang buhay o yaong tinatawag na actuarial life. Ito ang dahilan kung bakit taun-taon ay itinataas ang premium payment ng mga myembro nito, ang pinakahuli ay nitong December 2019, kung saan itinaas sa 3% ng basic pay ang dating 2.75%. Ibig sabihin, kung ang basic pay ng isang manggagawa ay P10,000.00, P300.00 na kada bawan ang kanyang babayaran mula sa dating P275.00. Ang taunang pagtaas na ito ng 0.5% na sinimulan mula 2018 ay gagawin hanggang 2025, batay sa amended Philhealth law.


Bakit naubos ang pondo? Marami na ang duda sa dahilan. Dahil actuarial ang insurance, lagpas lagi ang kinikita nito kaysa sa gastos dahil mas maliit ang claims kumpara sa naiipong kontribusyon.

Halimbawa nito ay ang sinabi ni Cong. Joey Salceda na noong 2018, P65-B ang nakolekta ng Philhealth mula sa formal workers ngunit P26-B lamang ang kabuuang claims. Ibig sabihin, may surplus na P39-B sa simpleng aritmitik.


Madaling makita ang lohika nito dahil mas maraming mas bata at mas malusog na myembro ang Philhealth kumpara sa mga may sakit. Katulad din ito sa insurance ng sasakyan na hindi nagagamit kung walang aberya. Walang refund. Walang extension. Bayad ulit sa panibagong taon. Ang kaibahan lamang ng Philhealth sa ibang insurance ay nagagamit ang surplus na ito sa benepisyo ng kanyang mga miyembro.


Okay, nariyan na ang Covid-19 na paliwanag. Mas lumaki ang gastos. Pero maging ito pala, ayon sa imbestigasyon, ay hindi nakaligtas sa raket sa loob ng Philhealth. Kaya’t sa hirap ng paliwanag na kailangang gawin, mas minabuti na lamang ng mga opisyal nito na seryosohin ang kanilang mga sakit.


Pero ang mas malaking tanong: May say ba ang manggagawa sa lagay ng maysakit niyang pasyente? Isandaang milyong manggagawa ang may-ari ng Philhealth, therefore, ang kamatayan nito ay panganib sa kalusugan ng manggagawang Pilipino. Samakatwid, manggagawa dapat ang may kontrol sa ahensyang ito ngayon at sa hinaharap.


Sa manggagawa galing ang pondo nito. Maging ang share na premium ng mga kapitalista ay galing din sa manggagawa. Pero walang say ang manggagawa sa pagtatakbo nito. Hindi nga niya mawari ang dahilan kung bakit mga retiradong mga heneral ang ipinapasok dito. Ngayon naman ay dating boss ng NBI na aminadong walang muwang sa pagpapatakbo nito.


So, paano na? Nasa gitna pa tayo ng pandemya. Bukod sa Covid-19 ay laganap pa rin ang nakamamatay na mga sakit sa Pilipinas. Ayon sa mga ulat, mahigit 6 na milyon ang may diabetes, 3 sa 5 Pinoy ay highblood, 189 sa bawat 100,000 ang may kanser, at halos 1 milyon ang may TB.


Hindi ko na ito itatanong sa Palasyo dahil si Duterte mismo ay may iniinda ring sakit. Hanggang kailan naman kaya ang actuarial life ng administrasyon? Hanggang 2022 na rin lang kaya sila? Subaybayan natin.


Sa failed Philhealth ay pribatisasyon ang panukala ng ilang mambabatas para sagipin ito. Tutol dito ang manggagawa. Sa failing health ni Duterte ay pagtatayo naman ng revgov ang naiisip nya at ng kanyang mga supporter. Lalong tutol dito ang manggagawa

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.