PONDONG NAGING BATO


Problema ang pondo. Pati pondo na pambili ng transistor radio ay sakit na ng ulo ng Pangulo kaya nasambit niya sa kanyang huling report na “wala na tayong pera.”


Seryoso ang problemang ito dahil bukod sa napakalaking gastos sa paglaban sa Covid-19 at ayuda sa mga tao ay kailangan pa ng bansa ng mas malaking pondo para ibangon ang lumagapak na ekonomiya. Hindi pa tapos ang krisis ay sagad na ang pondo kaya’t dagdag na utang ang takbuhan ng gubyerno. Mahina rin ang koleksyon sa buwis dahil bagsak nga ang mga negosyo.


Pero alam nyo ba na sa ilalim ng TRAIN law ay may mapagkukunan pa sana ng pondo ang gubyerno na nawala sa kanyang kamay? Ito ay ng bawasan ang estate tax mula 20% pababa ng 6%. Ang estate tax ay buwis sa naiwang aria-arian ng namatay. Tinatawag ito ng iba na inheritance tax pero may kaibahan ang dalawa sa kaso lamang ng kung sino ang magbabayad ng tax, ang estate ba mismo, o ang mga tagapagmana nito.


Sa unang tingin ay malaking bagay ito sa maliliit na property owners dahil malaking kabawasan sa buwis ng ari-ariang naiwan ng namatay. Marami kasi ang nababaon sa utang dito dahil bukod sa mataas ang 20% ay mataas din ang surcharge na ipinapataw para dito kada buwan bilang penalty, umaabot yata ng 25%.


Pero sa estate ng mga mayayaman ay malaking kawalan ito sa gubyerno. Napansin ang atensyon ko sa bagay na ito dahil sa sunod-sunod na pagkamatay ng ilang business tycoons. Ang mga tycoons na ito ang pinakamayayamang Pilipino na ang ari-arian ay bilyones na dolyares ang halaga. Dahil sila rin ang may-ari ng pinakamalalaking negosyo sa bansa.


Halimbawa dito ay ang namatay na si Henry Sy, Sr. Ang networth niya ayon sa report bago siya mamatay noong January 2019 ay tumataginting na $18.3 bilyon. Sa $1 : P50 na palitan ay nagkakahalaga ito ng P917.11 bilyon. Huwag na muna nating ibawas ang liabilities ng estate na ito para madaling kwentahin. Sa dating 20% na estate tax ay aabot sa P183 bilyon ang mapupunta sana gubyerno. Pero dahil sa TRAIN, ang 6% nito ay aabot na lamang sa P55 bilyon.


Si John Gokongwei naman ay namatay noong November 2019. Ang aria-arian niya ay tinatayang nagkakahalaga ng $5.3 bilyon o katumabas ng P265.61 bilyon. Ang 20% nito ay P53 bilyon at ang 6% ay 15.9 bilyon na lamang.


Ang huling namatay ay si cocolevy king na si Danding Cojuangco. Ang kayamanan niya ay tinatayang aabot sa $1.3 bilyon o katumbas ng P65.15 bilyon. Ang 20% nito ay P13 bilyon at ang P6% ay P3.9 bilyon.


Tatlong ari-arian pa lamang ang tinukoy ko dito pero ang nawala na sa gubyerno, sa pinasimpleng kwenta lamang, ay aabot na sa P174.70 bilyon. Noong 2018 ay ginawan ko ng simpleng aritmitek ang pinagsamang yaman ng 50 pinakamayamang Pilipino ayon sa report ng Forbes Magazine. Umaabot ito ng tumagatinting na $74 bilyon o P3.7 trilyon. Halos katumbas na ito ng ating National Budget pero 94% ng kayamanang ito ay hindi masasaklaw ng bagong estate tax sa ilalim ng TRAIN law. Mamulubi kaya ang mga taong ito kung sa halip na 94% ang itira sa kanila ng estado ay 20% na lamang? Hindi yata. Mananatili pa rin silang mga multimilyonaryo. At kailangan bang hinatayin ang kanilang kamatayan para lamang makakolekta ng 6% sa kanilang estate? Bakit hindi magpatupad ng tax on wealth total ang patakaran naman sa konstitusyon ay progressive taxation?


Isa pang mawawala sa kaban ng gubyerno sa ilalim ng TRAIN 2 na tinatawag ngayong CREATE (na dating CITIRA) ay tinatayang aabot P259 bilyon. Dahil sa panukalang ito ay ibababa pa ang corporate income tax mula sa 30% patungong 25%.


Pero walang pondo ang Pangulo na pambili ng transistor radio para sa mga istudyante. Kaya nag-iisip ang Department of Finance ng bagong pagkukunan ng pondo, kabilang na ang VAT sa online selling at panibagong sin tax na papasanin na naman ng ating mga frontliners

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.