Programang "Lab on wheels" ng LGU-Odiongan umani ng papuri


ODIONGAN, Romblon – Marami ang humanga at pumuri sa programang inilunsad ng Odiongan LGU na “LAB ON WHEELS” o mobile laboratory na ang layunin ay makapagbigay ng libreng laboratory check-up at analysis sa mga Senior Citizens sa lahat ng barangay sa bayan ng Odiongan, Romblon na hindi makalabas ng bahay dahil sa pinapairal na community quarantine.


Ang magandang ginawa ng Odiongan LGU para sa kanyang nasasakupan na mga senior citizen ay nagbigay daan upang muli itong ma-feature sa UNTV kung saan ito ay nagbigay ng positibong imahe para sa mga namumuno sa nasabing bayan.


Matatandaan na ang “Lab On Wheels” ay isang proyekto na pinangunahan ni Vice Mayor Devin Dimaala kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Odiongan at suportado ni Mayor Trina Firmalo Fabic upang magbigay ng serbisyo na libreng check-up ng Blood sugar, cholesterol, uric acid, urinalysis at CBC sa mga senior citizen na pupuntahan sa araw ng schedule ng nakatokang barangay.


Ayon kay Vice Mayor Dimaala importante umanong mamonitor ang health status ng mga nakakatanda sa paraan ng laboratory analysis at dahil sa hindi makalabas ngayon ang mga senior citizen kung kaya’t isinulong itong “Lab On Wheels”.


“Ang proyektong ito ay para sa ating mga senior citizens na hindi makalabas ng bahay dahil sa panganib na dala ng COVID-19. Ito ay libreng laboratory check-up at analysis para sa kanila,” ayon kay Vice Mayor Dimaala.


Sa mensahe naman ni Mayor Trina Fabic ang Lab On Wheels umano ay nabuo at pinangunahan ni Vice Mayor Dimaala at ng Sangguniang Bayan upang maihatid ang serbisyong may Puso sa mga senior citizen ng Odiongan at malaman ang lagay ng kanilang kalusugan.


“Ang Lab on wheels” ay para sa mga senior citizen ng Odiongan at ang aim talaga ay mabigyan ng libreng laboratory services para mamonitor ang kanilang kalusugan. Being preemptive is better than cure,” ayon kay Mayor Fabic.

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.