• Romblon Sun

Pulis at kasama pinahuli ni Mayor Arboleda sa Looc, Romblon


LOOC, Romblon – Arestado ang isang pulis at kasamang lalaki dahil sa paglabag sa Revised Penal Code of Philippine, Art. 151, Resistance and Disobedience to Person in Authority dakong hapon ng Abril 14, 2021 sa Barangay Poblacion, Looc, Romblon.


Kinilala ng Looc Municipal Police Station (LMPS) ang suspek na sina Patrolman Ceasar Coching Taladtad, 34, may-asawa, miyembro ng PNP at kasalukuyang nakadestino sa Alcantara MPS, Alcantara, Romblon, residente ng Purok Carolina, Barangay Poblacion, Looc, Romblon at Marc Gio Lachica Guantia, 27, binata, walang trabaho at nakatira sa Sitio Gowa, Barangay Poblacion, Looc, Romblon.


Sa imbestigasyon ng Looc MPS, habang nakasakay umano si Mayor Lisette M. Arboleda sa service ng MDRRMO ay nakita nito ang isang motorsiklo sa labas ng bahay malapit sa lumang gusali ng munisipyo ng Looc na minamaneho ng pulis at may dalawang angkas na ang isa ay tatlong taong gulang na anak nito.


Napansin rin ni Mayor Arboleda ang lalaking angkas na umano’y naka inom ng alak, kaya’t siya ay huminto sa di kalayuan upang parahin ang paparating na motorsiklo dahil sa mayroong pinapatupad na “total liquor ban” sa bayan ng Looc dulot ng pagkaroon ng outbreak ng COVID-19 sa nasabing munisipyo.


Ngunit noong pinahinto ni Mayor Arboleda ang motorsiklo ay lalong pinaharurot at binilisan ng suspek na pulis ang pagpatakbo ng motorsiklo kaya’t hinabol ito ni Mayor Arboleda habang nakatunog ang sirena ng sinasakyang service ng MDRRMO hanggang sa nakarating sila sa pagliko sa kanang bahagi ng Grimares Street kung saan ay saka lamang huminto ang motorsiklo na minamaneho ng suspek.


Ilang ulit silang tinanong at hinanapan ng pagkakilanlan ni Mayor Arboleda ngunit hindi agad sumagot, hanggang sa sinabi ng drayber na “Pulis ako,” at mabilis na umalis at tinakasan si Mayor Arboleda.


Sa ginawang follow-up operation ng Looc MPS, ang mga suspek ay inaresto sa bahay ng suspek na si Patrolman Taladtad at kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng Looc MPS para sa kaukulang disposisyon. (Romblon Sun Online.)

ADVERTISE WITH US!.png