• Tony Miñano Macalisang

Pulis na nakaduty na Desk Officer sa Romblon, pinasok at tinaga ng fish vendor sa loob ng estasyon


ROMBLON, Romblon – Isang pulis na nakaduty bilang Desk Officer ang pinasok at tinaga ng isang fish vendor kaninang 5:00 ng umaga, Enero 29, 2021 sa loob ng opisina ng Romblon Municipal Police Station (RMPS) sa Barangay II, Poblacion, Romblon, Romblon.


Kinilala ang nataga na pulis na si PCpl Michael Santiago Maestro, 33 taong gulang, may-asawa, PNP member na nakadestino sa Romblon MPS at residente ng Barangay Bagacay, Romblon, Romblon habang ang suspek ay nakilala na si Mellandro Montesa Mazo, 46 taong gulang, balo, fish vendor, at nakatira sa Barangay Lonos, Romblon, Romblon.


Ayon sa imbestigasyon ng Romblon MPS, napag-alaman na habang nagkaduty bilang Desk Office ng Romblon MPS ang biktima at abala sa paglilinis ng kanyang mesa ay bigla na lang dumating ang suspek at patraidor na tinaga ang biktimang pulis gamit ang isang gulok. Nakapagdepensa naman ang biktima at nagawang makontrol ang suspek.


Nagtamo ng dalawang sugat sa ulo at sa kamay ang pulis at agad na dinala sa Romblon District Hospital para malapatan ng kaukulang lunas. Nasa ligtas na kalagayan ngayon ang biktima.


Napag-alaman umano sa suspek, na meron itong tinatagong galit sa biktima noong ito ay kinompronta dahil sa paglabag sa isang Municipal Ordinance ng munisipyo ng Romblon.


Kasalukuyang nasa kustodya ng Romblon MPS ang suspek at ang ginamit na gulok na may haba na 20 pulgada kasama ang hawakan.

Kasong Frustrated Murder, Direct Assault upon an Agent of Person in Authority, at paglabag sa BP 6 ang inihahanda ng Romblon MPS na isampa laban sa suspek sa Prosecutor’s Office. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.