RACISM SA PANAHON NG OUTBREAK




Walang ipinanganak na racist. Ang racism ay bunga ng mga pangyayari sa lipunan. Halimbawa, sa panahong ang mga gobyerno ng mundo ay isinailalim ang kanilang mamamayan sa labis na pagkabahala (katulad ng hindi siyentipiko o politikalisadong pagharap sa epidemya), na ang epekto ay madaling matantya: ang paglakas ng ‘exclusivity of affinity’ o pagkipot ng relasyon ng mga mamamayan.


Ang racism ay ‘coordinates’ lamang sa ‘unity-atomicity spectrum’, ‘coordinates’ na gumagalaw batay sa kung gaano nagtitiwala ang tao sa isat-isa sa harap ng partikular na kondisyon. Mula sa pagtitiwala sa mundo sa panahon ng krisis, sa susunod ay sa mga kababayan na lamang ako magtitiwala. Kung lumala ang sitwasyon, lilimitahan ko na ang aking tiwala sa mga katulad ko. Sakali ay sa aking lugar na lamang. At sa aking pamilya. Hanggang sa sarili ko na lamang. O hanggang maging sa sarili ay tuluyan na rin akong mawalan ng tiwala. Ito ay pagdausdos ng tiwala, mula sa pagdududa sa kakayanan ng buong lipunan hanggang sa paglaho ng kumpyansa sa sarili mismong kakayanan.


At ito ang layunin ng naghaharing uri sa lipunan, ang itulak tayo sa walang katapusang pangamba o kawalang-katiyakan at sa gayon, sa pagkakawatak-watak, hanggang sa tayo ay maging mga alipin. Ang kawalang-katiyakan ang daan sa pagkawatak-watak, na siyang katuparan ng hula tungkol sa kapahamakan, na lalong nagpapasiklab ng hindi pagkakaunawaan, na siyang lalong nagpapalakas sa kontrol sa atin ng makapangyarihan.


Palpak nilang haharapin ang epidemya, magpapakulo ng gawa-gawang gyera, ikahon tayo sa masikip na lalagyan, huwag harapin ang krisis sa klima – dahil ang punto ay gawing pamali-mali ang mga bagay, para magduda tayo sa isat-isa, para tayo mapagharian. Sa proseso, maglalagay sila ng bakod para hatiin ang mga nasyon, gatungan ang pagkakaiba ng kultura para mahati ang mga linguistic groups, paypayan ang away ng mga tribu para mahati ang mga bayan, itatag ang sikretong pulisya para hatiin ang mga pamilya, at pakawalan ang ‘personality mining algorithms’ para hatiin mismo ang ating sarili.


Kung gayon ay paano natin lalabanan ang pagkawasak na bunga ng kawalang-katiyakan? Si Friedrich Nietzsche, isang pilosoper, ay nagsulat ng isang konsepto na ang tawag ay "Amor Fati" – pagmamahal sa kapalaran. Dito ay hinikayat niya tayo na yakapin pareho ang mabuti at masama sa ating buhay, tanggapin ang kamatayan kung ito’y dumating, tanggapin ang paghihirap kung ito’y lalapit.


Hindi natin pinili na mabuhay sa panahon ng epidemya at gutom na dala ng pagbabago sa klima, o maging mamamayan sa panahon ng mga pasista. Mas wala tayong kontrol sa ating mga buhay ngayon kumpara sa dati, pero maari tayong gumawa ng iba pang mga bagay habang tayo’y buhay – at ito’y ating ipagdiwang.


Habang niyayakap natin kung ano ang paparating, natatalo natin ang pagdududa. Habang lalo nating minamahal ang ating pinagmulan at kung ano ang nasa ating harapan, at habang mas marami tayong nauunawaan, mas umuunti ang ating kinatatakutan. At sa pagkakataong ganito, kung saan niyakap natin ang kanya-kanyang kapalaran, nagiging mas madali para sa atin ang magpanday ng kolektibong kapalaran.


Gusto ng ating mga namumuno na tayo ay maging racist, na isara ang ating mga bakuran, pagdudahan ang mga kapitbahay. Dapat natin itong labanan. Sa halip, singilin natin sila kung bakit palpak sila sa ganitong mga bagay. Dapat nating Singilin ang China sa hindi maayos na pagharap sa epidemya na kumalat na ngayon sa buong mundo. Sa parehong dahilan ay singilin din natin ang sariling gubyerno sa pagpaypay sa Sinophobic na damdamin dahil sa sariling kapalpakan na harapin ang problema na siyang nagdulot ng lalong pangamba sa mga Pinoy.


Ito ay mahalagang paalala dahil ang 2019-nCoV ay dress-rehearsal lamang sa mas malala pang mga epidemya na darating. Ang mainit na klima ay magpapataas ng metabolismo ng mapaminsalang microorganisms, nagpapabilis ng kanilang ebolusyon hanggang sa maunahan nila ang ating kapasidad na depensahan ang sarili sa pamamagitan ng antibiotics. Pararamihin nito ang populasyon ng kilalang tagadala ng sakit tulad ng lamok habang ang mga syudad ay nagiging mas mainit at maalinsangan. Ang mga nasirang habitat ay mangangahulugan ng stress at sa gayon ay mas maraming immunocompromised na mga hayop na silang nagiging carrier ng viral infections na nakakatawid lagpas sa hangganan ng kanilang species.


Ang susunod na mga dekada ay lalong magiging napakahirap para sa ating lahat. Maaring lahat tayo ay magdusa, pero kailangang tanggapin bilang katotohanan, na hindi kailangang ihulog sa bus ang isa para maisalba ang iba. Sa pagtanggap ng susunod nating pagdurusa ay saka natin mauunawaan ang pagdurusa ng iba, sila man ay galing Wuhan, Tehran, o Marawi. At dahil nauunawaan na natin ito, mas madali nang magkaisa laban sa tagahasik ng kaguluhan at sa mga tirano.


Ang pag-asa ay nasa loob ng isang kabalintunaan: ito ay sa pagkakataon na kung kailan natin natutunang yakapin ang sariling pagdurusa at kamatayan ay saka tayo nagkakaroon ng kakayahang takasan ang mga ito sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulungan.

* * *

Ang artikulong ito ay hango mula sa isang akdang nakasulat sa englis ni kasamang James Miraflor, nagtapos ng masters on economics at computer science sa UP. Dahil napapanahon at mapanuri ang artikulo, ipinagpaalam ko kay James na kung maari ay isalin ko ito sa Tagalog para maging artikulo dito sa Romblon Sun. Marami sa mga salita o parirala dito ay maaring hindi ko naisalin ng tuwid sa Filipino dahil sa kanilang teknikalidad o limitasyon mismo ng aking Tagalog.

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.