• Tony Miñano Macalisang

Restaurant sa Magdiwang nilamon ng apoy


MAGDIWANG, Romblon – Naabo ang isang restaurant sa Poblacion, Magdiwang, Romblon kaninang pasado ala 1:00 ng madaling araw matapos lamunin ng apoy.


Kinilala ang may-ari ng restaurant na si John Angelo Tansiongco, nasa tamang gulang, may-asawa, negosyante at residente ng Barangay Tampayan, Magdiwang, Romblon.


Napag-alaman na isang nagngangalang Jim Firmalan na residente ng Poblacion, Magdiwang, Romblon ang unang nakapansin sa nasusunog na bahaging kusina ng kalapit nilang restaurant kung kaya’t agad nitong ginising ang kanyang mga kapitbahay at pinagtulungan nilang buhusan ng tubig ang nasusunog na kainan.


Ipinagbigay alam rin ng ibang residente ang naturang insidente sa Magdiwang Municipal Police Station (MMPS) at kasabay rin nito na tinawagan ang BFP-Magdiwang kung saan ay agarang nagresponde ang mga tauhan ng nasabing mga estasyon at magkatuwang na binomba ng tubig ang nasusunog na establisemento upang maapula ang pagkalat ng apoy.


Dakong 1:45 ng ideklarang fire-out ng BFP Magdiwang ang nasunog na restaurant na yari sa light materials na siyang dahilan na mabilis ang pagkatupok ng apoy sa naturang kainan.


Wala namang naulat na nasaktan sa naturang pangyayari na tinatayang umabot sa humigit kumulang sa Isang Daang Libong Piso (P100,000.00) ang halaga ng nasunog na restaurant at mga kagamitan.


Pinapalagay na ang sanhi ng sunog ay dahil umano sa “electrical wirings”. (Tony M. Macalisang/ Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.