• Tony Miñano Macalisang

Romblon District Hospital hindi muna tatanggap ng pasyente


ROMBLON, Romblon – Ang Romblon District Hospital (RDH) sa kabesira ng Romblon ay pansamantala munang hindi tatanggap ng pasyente ito ay kaugnay sa isang pasyente na nagpositibo sa COVID-19.

Ipinaabot ng pamunuan ng RDH na ang kanilang tatanggapin lamang ay ang mga emergency na kailangan ang agarang operasyon.

Kanilang iminungkahi para doon sa mga manganganak at magpapaturok ng anti-rabies at mga Out Patient Consultation na makipag-ugnayan muna sa Rural Health Unit ng LGU Romblon.

Pansamantala ring ipinababawal ang pagdalaw sa mga pasyente na kasalukuyang naka admit sa RDH.

Maalaala na may isang pasyente na dinala sa RDH noong Oktubre 16, 2020 na inuubo, may lagnat at nahirapang huminga kung saan ang kanyang Admitting Diagnosis ay Community Acquired Pneumonia at Dengue Fever With Signs.

At dahil walang nakitang improvement sa nasabing pasyente ay agad itong ina-isolate at isinailalim sa RDT Test. Nagpositibo ang nasabing pasyente sa IGg at IGm kaya’t isinagawa na rin ang RT PCR Test dito at lumabas na positibo sa COVID-19 ang naturang pasyente.


Agad namang isinagawa ang contact tracing sa mga nakahalubilo ng nasabing pasyente.


Sa kasalukuyan ay apat (4) na suspek ang nasa ilalim ng monitoring at labing-isa (11) ang hinihintay ang resulta ng Swab Test.

Ang payo ng pamunuan na sundin ang ipinapatupad na health protocol, manatiling magsuot ng face mask, face shield at magmentina ng social distancing. (Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.