• Tony Miñano Macalisang

SAKO-SAKONG ULING NAKUMPISKA SA ISANG LOLO SA SAN FERNANDO, ROMBLON


SAN FERNANDO, Romblon – Naaktuhang nagsasako ng uling ang isang lalaking senior citizen kahapon ng 2:05 ng hapon, Setyembre 10, 2020 sa Sitio Olango, Barangay España, San Fernando, Romblon.


Kinilala ng kapulisan ang suspek na si Aniceto Fombuena y Permanes, 86 taong gulang, may-asawa at residente ng Sitio Olango, Barangay España, San Fernando, Romblon.


Ayon sa tauhan ng San Fernando Municipal Police Station (SFMPS), nakatanggap umano ng tawag ang kanilang estasyon mula kay Ludwin Ruado na isang empleyado ng DENR, na humihingi ng tulong para maipatupad ang Presidential Decree (PD) 705 Sec 68 (Cutting, Gathering and/or Collecting other products without license) sa Sitio Olango, Barangay España, San Fernando, Romblon.


Dahil sa nasabing ulat, agad nagsagawa ng pinagsanib na operation ang mga tauhan ng San Fernando MPS at ng 3rd Manuever Platoon ng Romblon Provincial Mobile Force Company at pinuntahan ang nasabing lugar kung saan ay kanilang naaktuhan ang paglalagay ng mga uling sa sako.


Nakumpiska sa suspek ang sampung sakong uling na tinatayang nagkakahalaga ng P1,200.00.


Ayon sa pulisya, ang mga uling ay mula umano sa mga punong kahoy na pag-aari ni Ginoong Dindo Rios na pinutol ng suspek na walang kaukulang permiso sa nasabing may-ari.


Ang suspek ay ipinagkatiwala sa opisina ng DENR para sa kaukulang pagsagawa ng Administrative hearings bago sampahan ng nararapat na kaso sa korte laban sa naturang suspek.(Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.