• Tony Miñano Macalisang

SEAMAN NAHAHARAP SA RECKLESS DRIVING SA KABESIRA NG ROMBLON


ROMBLON, Romblon – Inireklamo ang isang seaman na sakay ng pick-up na nakahagip sa kasalubong na motorsiklo dakong 6:30 ng hapon ng Setyembre 4, 2020 sa Barangay Lonos, Romblon, Romblon.


Ang biktima ay kinilalang sina Neil Esguera Solidum, 44 taong gulang, may-asawa, empleyado ng gobyerno at si John Mark Maestro Madeja, 22 taong gulang may kinakasama, tindero ng isda, at parehong residente ng Barangay Lonos, Romblon, Romblon.


Ang tinuturong suspek ay nakilalang si John Rey Crisostomo Catajay, 28 taong gulang, binata, seaman at nakatira sa Barangay Li-o, Romblon, Romblon.


Sa ginawang imbestigasyon ng Romblon Municipal Police Station (RMPS) Sa nabanggit na petsa, oras at lugar habang pauwi na sa kanilang tahanan si Solidum sa Barangay Lonos, Romblon kasama ang kanyang asawa at anak na babae, sakay ng kanyang motorosiklong Honda nang bigla umanong umagaw sa kanilang linya ang isang Ford Ranger DBL 2.2L Pick-Up na minamaneho ng suspek kung saan ay nasagi ang kanilang sinasakyang motorsiklo at naging dahilan ng kanilang aksidente. Nagtamo ng galos at sugat sa katawan ang biktima habang ang dalawang sasakyan ay nagtamo naman ng pinsala.

Bago naganap ang nasabing aksidente, ang parehong sasakyan na Ford Ranger Pick-Up ay nabundol ang balde na may lamang isda na binibenta ni Madeja at bumangga ang nasabing sasakyan sa punong kahoy na narra. Sinikap naman ng mga residente na pigilang umalis ang suspek ngunit hindi ito huminto at mabilis itong tumalilis sa naturang lugar.


Ang nasabing suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Romblon MPS kasama ang mga sangkot na sasakyan para sa kaukulang disposisyon.


Nahaharap sa kasong “Reckless Imprudence Resulting to Slight Physical Injuries” at “Reckless Imprudence Resulting to Damage to Property,” ang suspek na kasalukuyang inihahanda ng pulisya para isampa sa piskalya. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.