• Tony Miñano Macalisang

Sementeryo sa bayan ng Odiongan isasara sa Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4


ODIONGAN, Romblon, - Ipinagbigay alam ng Odiongan LGU na sarado ang mga pampubliko at pribadong sementeryo sa bayan ng Odiongan simula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4, 2020 alinsunod sa ipinalabas na polisiya ng National Inter-Agency Task Force for the Emerging Infectious Diseases (NIATF-EID).


Ayon sa pamunuan ng LGU Odiongan na puwedeng bumisita ang publiko sa sementeryo at madalaw ang puntod ng kanilang mga mahal sa buhay simula ngayong araw hanggang sa Oktubre 28, 2020 at paglampas ng Nobyembre 4, 2020.


Ang nasabing patakaran na pagbabawal na pagpunta sa sementeryo sa nasabing petsa ay upang maiwasan ang pagdagsa at pag ipon-ipon ng mga tao sa iisang lugar na maaring maging sanhi ng pagkakahawa o pagkalat ng coronavirus o COVID-19.


Ang mga pupunta ng sementeryo ay kailangan na sumunod sa mga pinaiiral na health protocol kagaya ng pagsusuot ng face mask, pagpatupad ng social distancing na sundin sa lahat ng oras.


Ipagbabawal rin ang pagdadala ng alak o anumang nakakalasing na inumin at hindi rin papayagan na mag picnic sa sementeryo.


Walang pinipiling edad para sa mga bibisita sa sementeryo at ipinaalaala sa mga magulang na dapat bantayan ang dalang mga anak at huwag pabayaan na magpagala-gala ang mga bata sa paligid.


Pinapayagan rin ang mga Pari, Madre, Pastor at mga Lay Minister na magsagawa ng Liturhikal na pagbabasbas ng mga puntod mula Nobyembre 1-2, 2020. Kailangan lang na magpadala ng sulat ang simbahan sa munisipyo kung saan nakalista ang pangalan ng mga pari, madre o pastor na bibisita sa mga puntod sa naturang petsa. (Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.