• Romblon Sun

Senior Citizen dinayo sa kanilang bahay sa Cajidiocan, Romblon at tinaga ng Barangay Kagawad


CAJIDIOCAN, Romblon – Nagtamo ng mga sugat sa ibat-ibang bahagi ng katawan ang isang senior citizen matapos na pagtatagain ng Barangay Kagawad dakong 9:00 kagabi, Marso 29, 2021 sa Barangay Lumbang Este, Cajidiocan, Romblon.


Kinilala ng Cajidiocan Municipal Police Station (CMPS) ang biktima na si Domingo Rance Cortes, 71 taong gulang, may-asawa, walang trabaho samantalang ang itinuturong suspek ay nakilala na si Noriel Ramilo Alberto, 58, biyudo, Barangay Kagawad at parehong residente ng Barangay Lumbang Este, Cajidiocan, Romblon.


Sa imbestigasyon ng Cajidiocan MPS, sa nasabing oras, petsa at lugar, ang suspek na umano ay nasa ilalim ng espiritu ng alak ay pinasok ang bahay ng biktima at may dala na dalawang gulok at hinamon ang biktima na humantong sa mainitang pagtatalo ng dalawa kung saan ay bumunot umano ng gulok ang suspek at tinaga ang matandang biktima ng ilang ulit hanggang sa ito ay natumba sa lupa.


Nagtamo ng maraming sugat sa ibat-ibang parte ng katawan ang biktima at tiyempong dumating ang anak nitong babae at pamangkin na nagawang madisarmahan ang suspek.


Dumating na rin ang ibang kamaganak ng suspek ay ito ay inawat na kusang umalis sa nasabing lugar habang ang biktima ay isinugod sa Sibuyan District Hospital ng kanyang anak na si Shalie Mar Cortes para malapatan ng kaukulang lunas.


Nagsagawa naman ng manhunt operation ang mga tauhan ng Cajidiocan MPS para matunton at madakip ang suspek na kusa namang sumuko sa pulisya.


Kasalukuyang nasa kustodiya ng Cajidiocan MPS ang suspek na nakatakdang kasuhan ng pulisya ng Frustrated Homicide na isasampa sa tanggapan ng Provincial Prosecutor. (Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.