TAAL NA BAYANI ANG MGA PILIPINO



Hindi unique o kakaiba ang mga Pilipino kung damayan o bayanihan ang pag-uusapan. Meron din nito ang ibang mga kultura sa buong mundo. Ang kakaiba dito sa atin ay masasabi nating ito ay “taal” na Pilipino.


Sa salitang ‘bayanihan’ at ‘taal’ natin makikilala ang mga Pilipino. Ang salitang ‘bayanihan’ ay mula sa salitang ugat na ‘bayani’ na sa mga Pilipino ay mas malawak din ang pakahulugan kumpara sa iba. Sa Mga diksyunaryo ang bayani o hero ay “a person, typically a man, who is admired or idealized for courage, outstanding achievements, or noble qualities”. Kadalasan, ito ay iginagawad na pagkilala sa taong namatay sa katapangan o kadakilaan.


Sa mga Pinoy ang bayani ay walan gender at nagtataglay ng maraming elemento bukod sa tapang at kadakilaan. Sa pangkalahatan, ang bayani para sa mga Pilipino ay katapangan, kadakilaan, at ang kaligayahan na makatulong sa iba nang walang kapalit. Ito ang dahilan kung bakit ang salitang ‘bayani’ ay maaring pumatungkol sa indibidwal, grupo o komunidad. Ang ‘bayanihan’, kung gayon, ay naging tradisyong Pilipino dahil sa paulit-ulit na ginagawa ng mga Pinoy sa maraming pagkakataon, hindi lamang sa panahon ng kalamidad.


Ang salitang ‘taal’ naman sa pakahulugan sa diksyunaryo ay “genuine; inborn; legitimate; native; natural; original.” At siyempre mayroon tayong noun na “Taal” na tumutukoy naman sa bulkang Taal.


Sa madaling salita, nasaksihan natin, o ikaw mismo o ang iyong grupo o komunidad, ay minsan nang naging o paulit-ulit na nagiging bayani sa sariling paraan. Ang pagiging OFW sa katunayan ay itinuturing din na mga bayani dahil sa kanilang kontribusyon sa ekonomiya at pamilya kapalit ng kanilang sakripisyo sa ibayong dagat, pagkilala na hindi natatamo ng lokal na manggagawa at magsasaka sa bansa.


Sa bayanihan natin nakikita na taal nga sa mga Pilipino ang maging bayani sa pamamagitan ng pagtutulungan. Sa pagputok ng bulkang Taal natin ito ngayon patuloy na natutunghayan. Nakita rin natin ito noong panahon ni Ondoy, Yolanda, Sendong, Pablo, at iba pang kalamidad. Labas dito, sa ating mga komunidad ay nananatili itong taal o likas, bagama’t unti-unti nang winawasak ng kapitalistang kultura ng indibdwalismo o pagkakanya-kanya.


Ang unyonismo ng manggagawa, sa katunayan, ay dapat ituring na tradisyon ng bayanihan dahil ito ay pagkilala na mas malakas, organisado, planado at mas may magagawa ang kolektibong aksyon o pagtutulungan sa halip na kanya-kanyang diskarte o indibidwal na paglaban. Ganundin ang farmers, housing at transport cooperatives or associations, atbp, na mas bentaheng modelo kumpara sa kanya-kanyang paghahanap ng solusyon sa komon naman na mga problema ng sangkatauhan.


Pero malinaw din dapat sa atin na hindi lahat ay bayani sa kanyang sariling paraan. Dahil ang kabaliktaran naman ng taal na bayanihan ay kasakiman, pagsasamantala, pang-aabuso, karahasan at kawalang-pakialam. Sa mga kasong ganito, indibidwal at makauring interes ang namamayani. At bagama’t ang mga ito ay hindi taal na Pilipino, ginagawa ito all season ng iilan lalo na ng mga makapangyarihan. Kahit pa nga sa panahon ng kalamidad.

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.