• Tony Miñano Macalisang

Tatlong Ginang sa Cajidiocan, Romblon Timbog sa Tong-its


CAJIDIOCAN, Romblon – Huli sa akto habang nagsusugal ang tatlong ginang sa Barangay Poblacion, Cajidiocan, Romblon kahapon ng 3:20 ng hapon ng Nobyembre 19, 2020.


Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Elsie Villanueva Gutierez, 67 taong gulang, may-asawa, walang trabaho at nakatira sa Barangay Sugod, Cajidiocan, Romblon, Amelita Notarte Ramiro, 63 taong gulang, balo, walang trabaho, at Joveta Romero Sauva, 48 taong gulang may-asawa, walang trabaho at parehong residente ng Barangay Poblacion, Cajidiocan, Romblon.


Sa ulat, napag-alaman na isang anti-illegal gambling operation ang ikinasa ng pinagsanib na tauhan ng PIU/PDEU at Cajidiocan Municipal Police Station (CMPS) na nagresulta sa aktong pagkahuli ng mga suspek na naglalaro ng tong-its na isang ipinagbabawal na sugal.


Nakumpiska sa mga suspek ang isang set ng baraha, isang pitaka at mga ipinustang pera na nagkahahalaga ng P539.00.


Ang mga suspek at ang mga nakumpiskang bagay ay dinala sa himpilan ng Cajidiocan MPS para sa kaukulang disposition.


Kasong paglabag sa PD 1602 as amended by RA 9287 ang inihahanda ng Cajidiocan MPS na isampa sa Prosecutor’s Office laban sa mga suspek. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.