• Tony Miñano Macalisang

Tatlong lalaki inaresto sa buy-bust operation ng kapulisan kontra sa ilegal na droga sa Odiongan


ODIONGAN, Romblon – Magkasamang hinuli ang tatlong lalaki sa isinagawang buy-bust operation laban sa ilegal na droga na ikinasa ng pinagsanib na puwersa ng kapulisan kaninang 4:25 ng hapon, Oktubre 18, 2020 sa Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon.


Ang mga suspek ay kinilala ni Police Captain Manuel F. Fernandez, Jr. Hepe ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS) na sina Dodge Cantuba Alojado, 36 taong gulang, may-asawa, convicted drug personality/released on bail, residente ng Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon, Aubrey Lance Cantuba Alojado, 25 taong gulang, may kinakasama, convicted drug personality, residente ng Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon at si Donato Alisasis Pamintuan, 29 taong gulang, binata, walang trabaho at nakatira sa Barangay Tabin Dagat, Odiongan, Romblon.


Ayon sa pulisya, ang Odiongan MPS (Lead Unit), PDEA-Romblon, RSCG/RDEU at PDEU/RPPO sa koordinasyon ng PDEA MIMAROPA ay nagsagawa ng anti-illegal operation (buy-bust) kung saan isang poseur-buyer ang nakabili ng isang heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu sa mga suspek kapalit ang halagang P2,000.00 gamit ang isang genuine P500.00 at tatlong pirasong P500.00 na boodle money na may tatak na “Non-Negotiable” na ginamit sa buy-bust.


Ang pagsagawa ng imbentaryo, parmarka ng mga ibedensya, pagkuha ng mga larawan ay isinagawa sa mismong lugar ng operasyon sa harap ng mga suspek at magkasamang sinaksihan ng barangay opisyal ng Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon, isang representante ng NPS at isang miyembro ng media.


Ang nakumpiskang ilegal na droga ay tinatayang may bigat na 0.2 grams at may halagang P2,000.00.


Pagkatapos na maaresto ang mga suspek ay ipinaalam sa mga ito ang kanilang naging kasalanan at ang kanilang karapatan sa ilalim ng Saligang Batas ng Pilipinas.


Itinanggi naman ng mga suspek ang nasabing paratang.


Ang mga suspek kasama ang mga nakumpiskang ilegal na droga ay dadalhin at ipasusuri sa Romblon Provincial Crime Laboratory Office at ang mga hinuling suspek ay isailalim sa kustodya ng Odiongan MPS.


Kasong paglabag sa Section 5 in relation to Section 26 (b) Article II of RA 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang ihahanda ng Odiongan MPS na isampa sa korte laban sa mga inarestong mga suspek. (Romblon Sun)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.