• Tony Miñano Macalisang

Tricycle driver na sobrang maningil nanganganib na matanggalan ng prangkisa


ODIONGAN, Romblon – Mapaparusahan at maaring matatanggalan ng prangkisa ang tricycle o drayber na mapatunayan na lumabag sa bagong Fare Matrix na binalangkas ng Sangguniang Bayan ng Odiongan.

Nakarating sa opisina ni Odiongan Vice Mayor Diven Dimaala ang mga sumbong na umano ay mayroong mga driver na sobrang maningil sa kanyang pasahero. Sinasabihan pa umano ng mga driver ang pasahero na hindi isasakay ang mga ito kung hindi magbayad ng kanilang nais isingil.

“Nakalista sa aming opisina ang mga inirereklamong mga driver na naningil ng sobra. Magiging basehan ito para matanggalan kayo ng prangkisa. Huwag kayong magsamantala sa ating mga pasahero at manakot pa na hindi isasakay kapag hindi nagbayad ayon sa gusto ninyong pasahe," ayon kay Vice Mayor Dimaala.

Ayon pa kay Vice Mayor Dimaala, pinagbigyan na ng Sangguniang Bayan ng Odiongan ang kahilingan ng TODA na itaas ang minimum na pamasahe habang nasa panahon ng pandemya ng COVID-19 at ginawang P15.00 ang dating sinisingil na P12.00 pero may ibang mga tricycle driver na P20.00 ang sinisingil sa mga pasahero.

“Pinagbigyan na ng Sangguniang Bayan ang inyong request na gawing P15 ang minimum na pamasahe habang may issue ng Covid-19, pero P20 pa rin ang singil nyo. Nagkasundo din tayo na P8.00 ang dagdag na pasahe per additional kilometer pero hindi nyo ito sinusunod,” ayon pa kay Vice Mayor Dimala.

Pinaalala ni Vice Mayor Diven na panahon pa rin ng pandemya at hindi pa bumabalik ang normal na pamumuhay ng mga tao at kailangan rin na magtipid ang mga ito dahil sa hirap ng buhay.

“Alalahanin nyo na hindi pa bumabalik ang normal na kita ng ating mga pasahero, kaya kailangan din nilang magtipid,” dagdag pa ni Vice Mayor Dimaala.

Aniya pa na kung may problema ang mga drayber sa bagong Fare Matrix ay pumunta lamang ang mga ito sa kanyang opisina upang doon nila pag-usapan at hindi iyong magsamantala sa mga pasahero. Sinabi pa nito na kasama ang mga miyembro ng TODA noong binalangkas ang nasabing bagong Fare Matrix at ito ay napagkasunduan na.

Dagdag pa ni Vice Mayor Dimaala na magtulungan na lang sa panahon ngayon na may problema sa covid-19 at iwasan ang lamangan ang kapwa. Pinuri at pinasalamatan rin nito ang mga miyembro ng TODA na sumusunod sa bagong Fare Matrix. (Tony Miñano Macalisang /Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.