• Tony Miñano Macalisang

Ulat sa bayan ni Mayor Trina Firmalo-Fabic


Katulad ng nakagawian, isang makasaysayan na pagbibigay ng Ulat sa Bayan ang muling inilahad ni Mayor Trina Alejandra Q. Firmalo-Fabic sa mga mamamayan ng bayan ng Odiongan nitong Setyembre 1, 2020 na ginanap sa Legislative Building ng Sangguniang Bayan ng Odiongan tungkol sa kanyang mga naging programa at mga nagawa  sa loob ng isang taon at mga gagawin pang proyekto para sa bayan ng Odiongan.


Ayon kay Mayor Trina Firmalo-Fabic, isang malaking karangalan at responsibilidad ang maluklok sa pangalawang termino at ang pagkataon umanong ito na paglingkuran ang kanyang mga kababayan ay isang prebiliheyo na kanyang pinasasalamatan at sinisikap na gampanan ng buong puso sa abot ng kanyang kakayahan.


Ayon pa kay Mayor Firmalo-Fabic, ang pangarap ng mga Odiongan ay ang mapaganda at lalo pang mapaunlad ang bayan ng Odiongan at kasabay rin na maiangat ang buhay ng mga Odionganons.


“Ang ating  pangunahing pangarap ay lalong mapaganda at mapaunlad ang ating mahal na bayan ng Odiongan, at kasabay nito ay maiangat ang antas ng kabuhayan ng bawat Odionganon sa pamamagitan ng maayos na gobyerno at serbisyong may puso,” ayon kay Mayor Firmalo-Fabic.


Mensahe pa ni Mayor Trina, ang ulat sa bayan ay hindi lamang umano tungkol sa nagawang mga proyekto at inimplentang programa ng munisipyo ng Odiongan kundi ito umano ay paraan para makita kung ano ang naging resulta ng pagkakaisa, pagtutulungan para sa kabutihan ng lahat.


“Ang ulat sa bayan ay hindi lamang sa nagawang proyekto at programa ng lokal na pamahalaan ng Odiongan kundi ito ay paraan para masiyasat natin kung ano ang naidulot ng ating pagbubuklod, pakikipagtulungan, pagsasanib puwersa, at pagtatrabaho para sa ikakabuti ng nakakarami,” ayon pa kay Mayor Trina.


Inulat rin ni Mayor Fabic na noong 2016 ang pamunuan ay may nabuong vision “Pangarap para sa Odiongan, ang bayang nangunguna sa lalawigan na nagsusumikap na maging isang lungsod na nakaagapay sa mga mamamayang mapagmahal at may takot sa Diyos, masikap at matatag sa mga hamon ng buhay, nagtatrabaho tungo sa makakalikasan at pangkalahatang pag-unlad na ginagabayan ng matapat at may paninindigan na mga namumuno.


Ani ni Mayor Fabic, ang lahat na mga programa at mga proyekto ng munisipyo ng Odiongan ay nakadepende sa nasabing vision.


Sa pagkakaisa umano ng Sangguniang Bayan sa pamumuno ni Vice Mayor Diven Dimaala ay nakapagbalangkas at nakapagpasa ng mga napapanahon at makabuluhang ordinansa at resolusyon na pinapatupad upang higit na makakatulong sa bayan at sa mamamayan ng Odiongan.


Ibinalita rin ni Mayor Trina ang pagtaas ng koleksyon ng buwis na kung dati noong 2016 ay nakakolekta lamang ng 5.7 milyon sa business tax ay tumaas ito sa loob ng tatlong taon na umabot na sa 15.5 milyon sa isang taon. Kasama rin sa tumaas ang mga naparehistrong mga negosyo na mula sa 1,405 ay umabot na sa 2,172 ang kumuha ng Mayor Permit na tumaas ng 18%. Kahit nitong pandemya na mahirap ang kalagayan ng negosyo ay bahagya pa ring tumaas ang bilang ng nagparehistro.


Dahil na rin sa pandemya ayon kay Mayor Trina ay gumawa sila ng hakbang na matulungan ang mga negosyante lalo na yung mga umuupa sa palengke, OCC, food court at iba pang mga pag-aari ng munisipyo na pagpapaliban sa singil sa upa o renta ng mga stall at puwesto sa nasabing mga establisemento.


Natugunan rin sa panahon ng ECQ ang mamamayan ng Odiongan na mabigyan ng tulong ayuda bilang programa ng LGU dahil sa pagtutulungan ng mga opisyal ng bayan.


Bahagi sa sinabi sa Ulat sa Bayan ni Mayor Trina Firmalo-Fabic na, “Ituring natin ang buong Odiongan bilang extension ng ating bahay, maglinis tayo sa harap ng ating bakuran, sumunod sa batas at maging maingat sa pangangalaga ng ating likas yaman ng ating lalawigan.”


“Ituring natin ang bawat isa na parang pamilya, bigyan ng respeto, ng pagmamahal ang bawa’t isa at makikita natin na uunlad ang ating bayan”…


Ayon pa kay Mayor Trina, ang pinakahuling susi sa pag-unlad ay Disiplina. Napakahalaga umano ng disiplina na dapat isasaloob upang lalo pang uunlad ang bayan ng Odiongan.


Aniya pa ni Mayor Fabic, maaasahan ng mamamayan na lalo pa niyang pagsikapan na magtrabaho ng puspusan at marami pang mga gagawin. Hindi pa tapos ang mga gawain at mahaba pa ang lalakbayin.  

Hinihingi rin ni Mayor Trina Fabic ang gabay ng Poong Maykapal upang makamit ang mga mithiin at karangalan umano nito ang maging punong bayan ng Odiongan at karangalan na makatrabaho ang kanyang mga kapwa empleyado ng lokal na pamahalaan ng Odiongan, ang mga Sangguniang Bayan members, ang mga opisyales ng Barangay, at karangalan nito na magsilbi sa bawat Odionganons.


Hinikayat rin nito ang lahat na Odionganons na tulungan siya, magtulungan para sa ikabubuti at pag-unlad ng bayan.


“Sana magtulungan tayo upang patuloy ang pag-unlad, ang pagganda at pagprogreso ng ating bayan, tayo po ang susi sa lahat nang ito,” ayon kay Mayor Trina.


Sa pagtatapos ng kanyang paglalahad ng kanyang Ulat Sa Bayan ay kanyang pinasalamatan ang lahat ng kanyang mga kasamahang opisyales ng bayan at mga mamamayan ng bayan ng Odiongan. (Tony Miñano Macalisang / Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.