• Tony Miñano Macalisang

Una at Pangalawang kaso ng COVID-19 sa bayan ng Santa Maria, Romblon naitala ngayong araw


SANTA MARIA, Romblon – Inanunsyo ng Rural Health Unit ng Santa Maria, Romblon na nagpositibo sa COVID-19 ang dalawang Locally Stranded Individual (LSI) na dumating noong Agosto 20, 2020 matapos lumabas ang resulta ng Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) o swab test mula sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) nitong araw, Agosto 29, 2020.


Ang nagpositibong pasyente ay isang babae na 46 taong gulang at isang anim na buwan na batang lalaki at parehong residente ng Barangay Paroyhog Santa Maria, Romblon.


Ito ang una at pangalawang kaso ng COVID-19 sa nasabing bayan ng Santa Maria, Romblon.


Napag-alaman na inilabas sa Batangas Medical Center (BMC) ang anim (6) na buwang sanggol noong Agosto 19 na naadmit sa nasabing ospital sa hindi covid-19 na karamdaman. Ang nasabing bata kasama ang tatlo pang kapamilya, kabilang ang 46 taong gulang na babae ay nagbiyahe sakay ng pribadong sasakyan mula sa BMC hanggang Batangas Pier.


Dumating ang pamilya sa pier ng Odiongan noong Agosto 20, 2020 at dinala sa Municipal Isolation Unit ng Santa Maria LGU pagkatapos na maisailalim sa Rapid Diagnostic Test (RDT) na negatibo ang resulta. Kinabukasan, Agosto 21, nagkaranas ng lagnat ang babae at inamin nito na nilamig at inuubo siya ng ilang araw. At noong Agosto 24 nakitaan ng sintomas ang dalawa at isinailalim sa RT-PCR.


Pinakilos na rin ng pamunuan ng Municipal Health Office at ng LGU Santa Maria ang kanilang Contact Tracing team upang mausisa, makilala at isailalim sa test ang mga nakahalubilo ng mga pasyente.


Paalala ng RHU Santa Maria sa publiko na sundin ang health protocols ng DOH, ang ugaliin ang pagsuot ng face mask, mag practice ng social distancing, laging maghugas ng kamay, palakasin ang immune system at manatili sa bahay lalo na sa mga nasa edad 20 taong gulang pababa at sa mga senior citizen maliban lamang kung ito ay emergency na kailangan ang magbiyahe. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.