‘WALA NA TAYONG PERA’


“Wala na tayong pera ngayon.” Ito ang malungkot na balitang lumabas mismo sa bibig ng Pangulong Duterte noong Lunes ng gabi ng Hunyo 15. Ang paksa nya noon ay pondong pambili ng transistor radio para magamit ng mga istudyante sa distant learning sa pasukan ngayong Agosto.


Pero hindi na lang pondong pambili ng radyo ang lumitaw na problema kundi kawalan na ng pondo sa pangkalahatan. Maririnig natin ito hindi na lamang sa Pangulo kundi mula sa mga economic managers niya mismo. Mismong si Department of Finance Secretary Carlos Dominguez ay paulit-ulit na nagbibigay babala sa Kamara at maging sa Senado na ang mga panukalang stimulus package para ibangon ang ekonomiya at ituloy ang ayuda sa mga tao ay hindi mapopondohan.


At kung bakit naman nauna pang naipasa ang Terror Bill kaysa sa stimuls package sa Senado at Kamara na pareho lamang umabot sa 2nd reading bago mag-recess ang Kongreso noong nakaraang linggo.


Magkano ba ang halaga ng mga panukalang stimulus package na ito? Sa Senado ang mga proposal ay mula P750B (Marcos) hanggang P1 Trilyon (Recto). Pero dahil sa oposisyon ng DoF ay P140B lamang ang naipasa sa second reading. Sa Kamara ay nailusot na ang P1.5 trilyon pero sa parehong dahilan, sinabi ni Dominguez na hindi ito mapopondohan.


So, lumalabas na hindi na nga lang pambili ng transistor radio ang problema. Bakit kaya sobrang lala na ng problema sa pondo? Silipin nga natin ang ilang mga numero.


Ang national budget natin para sa 2020 ay P4.1 Trilyon. Nangangalahating taon na tayo. Ito ang pondo kung saan binigyan ng Kongreso si Durterte ng kapangyarihang i-realign sa ilalim ng Bayanihan Act. Sa Bayanihan Act ay nagpalabas agad ng P275B ang Kongreso, P200B para sa dalawang buwan na social amelioration programs o SAP sa 18 milyong pamilya, at P75B para sa health services. Para dito ay naglabas kaagad ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng P300B.


Siyempre bukod sa SAP at health services ay marami pang pagkakagastusan ang gubyerno. Sa report Karl Chua na siyang acting NEDA Director General ngayon ay umaabot na raw sa kabuang P596 bilyon ang nailaang badyet sa paglaban sa COVID-19. Malaki na nga ito at sa interes ng transparency ay hinihingi ng mamayan na ito’y masuri.


Bukod sa P4.1 trilyon na national budget na malaki ay hindi pa nakolekta dahil sa lockdown ay nakautang naman ang pamahalaan sa ibat-ibang pasilidad tulad ng ADB, World Bank, atbp. Sa ginawang resibo ng isang netizen ay nilista niya ang mga nautang na ito at ang total nito ay umabot na sa tumataginting na P1.065 trilyon. Bukod pa ito sa mga donasyon mula sa malalaking mga korporasyon na umaabot din ng bilyones.


Pero wala na nga ba talagang pera sa kabang bayan ng bansa? Saan napunta ang nariyan na dati at saan naman kukuha para sa lumalaki pang mga pangangailangan? Paano ang stimulus programs kung hindi mapopondohan ngayong lumagapak na ang ekonomiya sa pinakamalalang lebel sa nakalipas na 22 taon? Paano ang milyun-milyong manggagawa na nawalan ng trabaho at kabuhayan? Anong programa sa paglikom ng kakulangang pondo ang kinakailangang gawin?


Napakaraming tanong. Napakakonti ng sagot. Sa susunod ay talakayin natin ang dapat ay potensyal na mga pondong nasayang o nawala sa ilalim ng TRAIN at iba pang maling kalakaran at tingnan kung anong mga kinakailangang opsyon o pagtutuwid ang maari pang gawin.

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.