• Tony Miñano Macalisang

WALANG TRAVEL LOCKDOWN SA ODIONGAN - MAYOR TRINA FIRMALO-FABIC


ODIONGAN, Romblon – Ipinapabatid ni Mayor Trina Firmalo Fabic na walang ipinapalabas na paghihigpit ang LGU-Odiongan para doon sa mga nagmula sa ibang bayan na sakop ng lalawigan ng Romblon na pumunta sa bayan ng Odiongan.


“Sa ngayon ay walang travel lockdown o restriction para sa mga taga ibang bayan dito sa probinsya ng Romblon na papasok sa bayan ng Odiongan,” ayon kay Mayor Fabic sa kanyang PB Post.


Ang pahayag ni Mayor Trina ay sagot sa mga nagtatanong na taga ibang bayan na pupunta sa bayan ng Odiongan dahil sa mayroon silang aasikasuhin na mga transaksyon, may mga bibilhin at ang iba ay para magpapaenroll sa mga eskwelahan.


Ipinaalaala rin ni Mayor Trina sa mga Odionganon na iwasan ang diskriminasyon at huwag matakot dahil ang mga LSI umanong nagpositibo sa ibang bayan ay inilalagay naman sa mga isolation facility malayo sa komunidad ng mga tao sa kanilang mga bayan. Kailangan umanong unawain ang kanilang kalagayan na nahihirapan din sa buhay lalo sa panahon ngayon ng pandemya.


“Huwag po tayo mag diskrimina o matakot, may mga nag positibo sa ibang isla pero mga LSIs ito na bagong dating at na isolate/quarantine sila kaagad at walang exposure sa local community,” ayon pa kay Mayor Trina.


Ayon pa kay Mayor Fabic, kung kinakailangan ang paghihigpit o travel restrictions ay magpapaanunsyo umano ang LGU.


Paalala ni Mayor Trina na sumunod na lang sa pinapatupad na protocol ng DOH katulad ng social distancing ang palaging pagsusuot ng face mask pag lumabas ng bahay at ang tamang paraan sa pag hugas ng kamay. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.