• Tony Miñano Macalisang

Work From Home at Class suspension idineklara ni Governor Riano sa bayan ng Romblon


CAPITOL, ROMBLON, Romblon – Nagpalabas ng Memorandum Order No. 229 s. 2020 si Governor Jose Riano tungkol sa work from home arrangement at class suspension sa bayan ng Romblon simula Nobyembre 9 hanggang Nobyembre 10, 2020.


Ang nasabing Memoramdum Order ay ipinadala sa alkalde ng Romblon na sumasakop sa munisipyo ng Romblon, sa mga hepe ng ahensya ng pamahalaang national, sa mga opisyal ng Department of Education, Romblon State University, at sa lahat ng opisyal at empleyado ng Pamahalaang Panglalawigan ng Romblon na nakabase sa munisipyo ng Romblon.


Layon ng naturang Memo ay upang mapabilis ang pagsagawa ng contact tracing sa bayan ng Romblon, gayun din ang paglilinis at pagdis-infect ng mga opisina at maging ng mga bahay para mapigilan at masugpo ang pagkalat ng COVID-19 sa lalawigan.


Inatasan rin ang Provincial Health Office at Provincial Disaster and Risk Reduction Management Office na mag isyu ng memorandum na ipatupad ang naturang mga hangarin at iba pang kinakailangang hakbang.


Ang work from home arrangement ay ipapatupad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon sa Capitol, sa Munisipyo ng Romblon, National Government Agencies, Department of Education (DepEd) na naka base sa bayan ng Romblon mula Nobyembre 9 hanggang sa Nobyembre 10, 2020.


Suspendido rin ang klase sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan.


Para makasiguro na makapagpatuloy sa pagbibigay ng kaukulang serbisyo ay maglalaan ng skeletal force sa lahat ng mga opisina na nagsasagawa ng mahalagang gawain.


Ipinapaubaya naman sa mga pribadong opisina at establisemento kung magpapatupad sila ng work from home arrangement.


Maalaala na mayroong pasyente na nagpositibo sa COVID-19 sa bayan ng Romblon, Romblon at naisagawa na ang contact tracing at kasalukuyang hinihintay pa ang resulta ng isinagawang swab test ng mga nakahalubilo ng pasyente. (Tony M. Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.